Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A ang isa sa mga aktibidad sa ilalim ng programang Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems (PAFES), na tinaguriang “Engaging Stakeholders in the Institutionalization of PAFES Phase I,” para sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Quezon at Cavite noong ika-9 hanggang ika-12 ng Agosto, 2022.
Kabilang sa mga nakiisa sa nasabing gawain ang mga tanggapan ng mga lokal na pamahalaan, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A, National Irrigation Administration (NIA), Philippine Carabao Center (PCC), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), National Dairy Authority (NDA), State Universities and Colleges (SUC) at ilang pribadong organisasyon sa bawat lalawigan. Ibinahagi ng bawat kinatawan ng mga tanggapan ang kanilang mga serbisyo, plano at programa na makakatulong sa pagsasagawa ng nalalapit na Phase II kung saan tutukuyin ang mga prayoridad na interbensyon ng mga stakeholders para sa pagtatatag ng Collaborative Province-led Agriculture and Fishery Extension Program o CPAFEP.
Pinangunahan ni ATI CALABARZON OIC Training Center Superintendent II Dr. Rolando V. Maningas ang pagtatapos ng aktibidad. Inihayag din niya ang buong pagsuporta ng ahensya para sa mga programa ng PAFES at umaasang patuloy ang pagtangkilik ng bawat ahensya para sa pagtataguyod ng PAFES sa non-pilot provinces.
Layunin ng nasabing aktibidad na mabigyan ng impormasyon ang mga agri-fishery stakeholders tungkol sa pangkasalukuyang katayuan ng agrikultura sa mga nabanggit na lalawigan.
Ulat ni: Renzenia T. Rocas