LOS BAÑOS, Laguna – Isang daang piling mga kalahok ng Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid ang dumalo sa isinagawang Lakbay Palay 2023 Wet Season: “RCEF, Ano na?” ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños kasama ang iba't ibang ahensyang may kaugnayan sa pagpapalayan.
Aktibong lumahok sa isang buong araw na hitik sa kaalaman at kasiyahan ang mga magsasaka, ilang mga tekniko, at mga mag-aaral mula sa piling mga unibersidad mula sa CALABARZON. Iba't ibang barayti mula sa DA-PhilRice, maging mga makabagong pamamaraan at teknolohiyang angkop sa pagpapalay sa panahon ng tag-ulan ang kanilang napag-aralan sa pamamagitan ng station tours at exhibits. Bukod dito, ginanap rin ang Palay Talakayan: Youth Champion in Agriculture. Ang mga panauhin sa nasabing forum ay nagbahagi ng kanilang mga naging karanasan bilang mga kabataang bumibida sa larangan ng pagpapalay.
Mainit ang naging pagtanggap ni Bb. Rhemilyn Z. Relado-Sevilla, Director I ng PhilRice Los Baños sa higit limang daang (500) kalahok at mga bisita. Aniya, ang nasabing pangkat ng mga kalahok ng Lakbay Palay ay ang may pinakamalaking bilang, una sa kasaysayan ng pagsasagawa ng proyektong ito.
Ang paglahok ng mga Ka-PalayIskul sa Lakbay Palay ay isang inobasyon ng DA-ATI CALABARZON sa School-on-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA SRA), at nagsilbi rin gatimpala para sa mga natatanging mag-aaral ng programa.
Isinagawa ang gawain sa Baker Memorial Hall, University of the Philippines Los Baños, Laguna noong ika-24 ng Oktubre taong kasalukuyan.
Ulat ni J. Cailo at M. Macalagay