Tatlong Young Agripreneurs ng CALABARZON, Pinagyayaman ang mga Proyektong nabuo mula sa Youth in Agrepreneurship Program

Friday, June 30, 2023 - 13:56


YAP Success Story

Taong 2021, inilunsad ng Agricultural Training Institute (ATI) ang Youth in Agripreneurship Program (YAP) sa tatlong rehiyon, kabilang ang CALABARZON. Layunin ng YAP na palakasin ang kakayanan ng makabagong henerasyon ng magsasaka upang maging agripreneurs at maging katuwang sila sa pag-unlad ng agrikultura sa kanilang mga komunidad. 

Ang YAP ay may training component kung saan ang mga paksa ay nakadepende sa lebel ng kaalaman at kasanayan ng mga Kabataang kalahok. Ito ay nahahati sa tatlong kategorya: beginner, intermediate at advanced level.

Samantala, isa sa mga output ng pagsasanay ay ang agribusiness proposal na ilalahad ng mga kalahok sa panel ng mga hurado sa isang agribusiness pitching session. Pipili ang hurado ng tatlong mananalo sa bawat kategorya, base sa sustainability at feasibility ng proyekto. Sa rehiyon CALABARZON, sa pangunguna ng DA-ATI Regional Training Center, tatlong kabataan ang namamayagpag at patuloy na pinagsusumikapan ang kanilang nakuhang suporta mula sa ATI upang simulan ang kanilang mga pangarap na agribusiness.

Humble Harvest Hydroponics Lettuce Production ni Nadia Ona

NAdia 5.jpg

Sa ilalim ng intermediate level, isa ang agribusiness proposal ni Nadia Kristina Ona, may-ari ng Fork and Spade Farm at tubong Ibaan, Batangas sa napili upang mapondohan at kanyang maisakatuparan.

“Ang tagal ko na pong pangarap na magkaroon ng greenhouse at makapagsimula ng hydroponics production. Ang Young Agripreneurship Program (YAP) sa pamamagitan ng grant ang nag-materialize ng aking dream.”

Sa pagdalo ng mga pagsasanay sa DA- Agricultural Training Institute – CALABARZON nalaman ni Nadia ang tungkol sa YAP. Aniya, isa sa mga paksang tumatak sa kanya sa pagsasanay ay ang production planning. Ito ang nakatulong sa kanya na maintindihan ang tamang proseso ng pagpaplano at pamamahala sa kanyang farm, lalo na at siya ay mula sa field ng finance at accounting.

Sa kanyang proyektong “Humble Harvest,” Hydroponics Lettuce Production, mahalaga aniya ang araw-araw na pagbisita o pag-monitor ng hydroponics setup upang i-adjust ang growing conditions at gumanda ang harvest.

Pagbabalik-tanaw ni Nadia sa kanyang pagsisimula noon sa farming, “Na-discover ko po ang passion ko for farming nung nakabasa po ako ng isang article tungkol sa isang mailman na si Mr. Grpver Rosit na naging cacao farmer. Doon po napukaw ang isip ko na maaari palang mag-transition from one career to your passion.

Jairo Rabano: Talipa Farms: Hydroponics Lettuce Ice Cream

Jairo 1.jpg

Samantala, isa rin sa nagsusumikap upang magtagumpay sa mundo ng agrikultura ay si Jairo Rabano, BS Agriculture student sa University of the Philippines Los Baños na tubong Tiaong, Quezon.

Noon pa lamang ay hilig na ni Jairo ang pagtatanim ng iba’t-ibang halaman at prutas sa kanilang bakuran. Dahil dito, nagka-interes siyang sumali sa pagsasanay ng YAP na kanyang nalaman mula sa Facebook post ng DA-ATI CALABARZON.

Bahagi ni Jairo, “Mula sa programang yun ay natutunan ko kung paano gawing isang business venture ang aking hilig at kumita mula dito. Bukod pa riyan, natutunan ko na makilahok o maki-ugnay sa iba pang kabataan na tulad ko na nagnanais magkaroon ng business mula sa mga pagtatanim o ibang mga field o pag-aagrikultura.”

Ang kanyang proyektong, Talipa Farms: Hydroponic Lettuce ice cream ay bunga ng kanyang pagkahilig sa pagtatanim ng lettuce at pagkain ng ice cream. Kuwento pa ni Jairo, nakita niya ang kahalagahan na ma-promote ang pagkain ng gulay o lettuce dahil hindi likas sa mga bata at ilang matanda ang pag-konsumo ng gulay. Dahil na rin sa mainit na klima sa Pilipinas at pagkahilig ng mga tao sa pagkain ng ice cream, naisip niyang pag-ugnayin ang dalawa.

Wood Vinegar Production ni Cherish Belamide Del Rosario

Cherish 2.jpg

Katulad ni Nadia, nakatutok na rin si Cherish Belamide Del Rosario sa kabuhayang may kinalaman sa agrikultura. Kanyang pag-mamay-ari ang Little Neoh Rabbitry Integrated Farm na matatagpuan sa Silang, Cavite. Kabilang si Cherish sa mga magsasaka na naka-sentro lamang sa produksyon. Ngunit nang magsanay siya sa ilalim ng YAP, natuto siyang bumuo ng plano para sa kanyang pagsasaka at siguruhin na mayroon siyang kita.

“Nalaman ko mula sa YAP training na dapat pala may financial statement, financial stability at kailangan ng plano para sa bawat gagawin mo. Bukod sa pagsasaayos ng business permits at tamang filing ng taxes, tinuruan din kami kung paano makagawa ng magandang packaging ng mga produkto namin. Sa tulong ng YAP, nagkaroon kami ng mindset ng isang agripreneur.”

Para sa kanyang binuong proyekto, nag-isip si Cherish ng inobasyon upang mapakinabangan pa ang coffee waste sa kanilang taniman ng kape. Dito nag-ugat ang Mokusaku o Wood Vinegar Production.

Bahagi ni Cherish, nag-rerehabilitate sila ng mga puno ng kape dahil ito ay nasa edad 50-60 taon na. “Kailangan nang pa-bata-in dahil umuunti na ang bunga. Yung mga nakukuha naming coffee trees at trunks, kasama ang pinag-balatan ng bunga ng kape ay iniipon namin upang ilagay sa chamber ng pugon.

 Pagkatapos ay sasaraduhan ito at sisindihan upang magkaroon ng usok at i-trap sya doon sa chamber. Matapos dumaan sa condensation process, makakapag-produce ito ng liquid smoke na tinatawag na Mokusaku.

Inspirasyon ng mga Kabataan

Ang kwento ng tagumpay nina Nadia, Jairo at Cherish ay patunay na malaki ang potensyal ng magandang kabuhayan sa sektor ng agrikultura.

Payo ni Cherish sa mga nagnanais na umunlad sa sektor na ito, “Ituloy nyo lang kasi talagang may kita sa agriculture. Sabi nga, hindi lang sa pagtatanim talaga tayo kikita: kailangan marunong tayo na mag-plano kung ano ba talaga yung pupuntahan natin, ano ba talaga yung produkto na gusto natin, ano ba talaga yung makakatulong hindi lang para sa atin, kundi para sa community natin, at para sa kalikasan natin.

Higit naman ang pasasalamat ni Jairo sa DA-ATI CALABARZON at programang YAP na naging inspirasyon nya upang makatapos sa programa at pagsasanay. “Magpatuloy lang sila sa kanilang mga gingawang pang agrikultura at maging uhaw sa kaalaman at makakatulong din sa kanila upang mas palaguin yung kanilang mga naiisip na negosyong pang agrikultura,” dagdag pa ni Jairo.

Mensahe ni Nadia sa mga kabataan na gustong maging young agripreneur, “Talagang mag-invest po sa network, maki-tie up po tayo sa ATI, sa DA sa ating mga local agriculturist dahil malaki ang mai-aambag nila sa ating kaalaman sa mga resources at sa mga networks and contacts. Talagang maging resourceful po tayo dahil maraming available satin na pwedeng gamitin, pwedeng i-reach out for help and unti-unti din nating mabubuo ang ating pangarap.”


Story by: