TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Matagumpay na naisagawa ng DA-ATI CALABARZON katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) IV-A ang tatlong araw na pagsasanay na “Training on Social Media Optimization for Agricultural Extension Workers (AEWs)” .
Layunin ng gawain na mapataas ang antas ng kasanayan at kaalaman ng mga tekniko mula sa Farmers’ Information and Technology (FITS) Center sa rehiyon gayundin ang mga FITS Kiosks mula sa APCO at Cavite State University. Upang makamit ang layunin ng pagsasanay, nakipag-ugnayan ang DA-ATI CALABAZON sa DICT IV-A sa pagsasagawa ng sa nasabing pagsasanay.
Nagsilbing tagapagtalakay at tagapangasiwa naman si G. John Patrick Hernandez, ILCDB Regional Focal mula sa DICT IV-A, sa dalawampu’t dalawang (22) kalahok. Ibinahagi ni G. Hernandez ang kanyang kaalaman sa iba’t ibang stratehiya sa pamamahala ng Facebook at iba’t ibang social media platform gayunrin ang paggawa ng content mula sa Canva.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta at pasasalamat si OIC, TCS I/Assistant Center Director Bb. Sherylou C. Alfaro para sa kalahok at sa DICT IV-A. Binigyan tuon ni ACD Alfaro ang kahalagahan ng tungkulin ng mga tekniko sa pagbibigay ng mga nauukol na mga impormasyon para sa mga magsasaka at mangingisda.
“Needless to say the importance and effectiveness of social media, malaking tulong. At sa panahong ito na “new normal”, social media remains an important platform, hindi lang sa trabaho natin bilang AEWs, maging sa pang araw-araw nating buhay,” ani ACD Alfaro.
Isinagawa ang pagsasanay sa sentrong pangsanayan ng ahensya sa lungsod na ito.