Ang Roselle sa Hardin ni Manuel

Thursday, September 29, 2022 - 15:36


Screenshot (173).png

Roselle. Roselle?

Hindi kilala ang tanim na ito sa Bicol. Hindi ito endemic sa rehiyon. Hindi ito pinapansin. Sabi nga ni Ginang Salvacion Garchitorena, may-ari ng Manuel’s Garden Integrated Farm, “Hindi ito kilala pa ng ibang tao dito sa atin. Walang bumibili nito sa palengke. Kaya hindi nila pinag-iinteresan ang mga bunga nito.”

Pero para kay Ginang Salvacion o ‘Basing”, ito ang tatak nila. Dito sila kilala at mas nakilala. 

 

Umpisa

Nag-umpisa sila sa 10 seedlingS na dinala ng agriculture technician sa kanilang bayan. Ngayon, umaabot na ito sa mahigit 300. At nagpaplano pa silang magtanim sa ibang lugar dahil kinukulang na sila ng pinoprosesong bunga ng roselle.

Ang Manuel’s Garden ay nag-umpisa noong 2013. Kwento ni Ginang Basing, “Itong lote na ito ay nahati-hati sa magkakapatid. May napunta sa asawa ko, si Manuel. Kaya ito na rin ang pinagsimulan namin. Ito ay masukal na kagubatan, mga kadamuhan.”

Inunti-unti nilang mag-asawa. Nilinis. Tinaniman. Lumago.

Maliban sa roselle, may natatamnan itong palay, saging, at mga gulay. May alaga silang hayop tulad ng baboy at manok. May fishpond din ng tilapia.

Screenshot (174).png

Produkto

Marami nagawang produkto galing sa roselle. May alak, juice, prunes, jam at tsaa. May chilli sauce din na may halong roselle.

Batid ni Aling Basing na malaki ang tulong ng halaman sa kalusugan. “Very rich in calcium ang roselle. Kaya marami ang bumibili sa amin nito.” Maliban sa mga taga-Goa, umabot na rin ang produkto nila sa Amerika at Middle East.

Pero hindi lamang roselle ang kanilang mga pino-proseso. Mayroon silang tsaa na gawa sa banaba, serpentina, blue ternate na may tarragon, malunggay, bayabas, lagundi, at LPT (Lakadbulan, Pandan at Tanglad). May taro chips, tablea, at passion fruit juice din. Gumawa na rin sila ng suka galing sa saging.

Ayon kay Aling Basing, marami pa siyang idadagdag.

 

Organic Agriculture

Sa kanilang tagumpay sa pagsasaka, malaki ang naging ambag ng lokal na pamahalaan ng Goa, Camarines kung saan ang Manuel’s Garden matatagpuan. Ito nga ang nagsulong sa kanila sa organic agriculture. “Inimbitahan kami ni Ma’am Arlene Dayo sa seminar sa organic farming. Kasi sya ang organic focal person ng LGU.” Si Ginang Arlene Dayo ay naging Outstanding Municipal Focal Person for Organic Agriculture national awardee dahil sa pagsusulong niya ng programa sa kanyang munisipyo. Maliban dito, umalalay din ang Goa Agri-Producers and Processors Association o GAPPA, ang samahan ng mga magsasaka sa kanilang lugar na natanghal bilang National Outstanding Organic  Agriculture Farmers’ Group. Ang GAPPA ay itinuturing ng Manuel’s Garden bilamg ‘Big Brother.’

Pagsubok

Sabi ni Ginang Basing, sa simula pa lang ay organic farming na ang isinasagawa sila. Hindi na dumaan ang farm sa conversion mula conventional patungo sa organic farming. Nakatulong ito sa kanilang gastusin lalo na at malaki ang itinaas ng presyo ng mga synthetic na abono. Ganun pa man, aminado sya na may kahadlangan din sa paggamit nito. “Maraming challenges sa pag-adopt ng organic farming. Ang number one na kalaban ang mga damo. Hindi kami nag-spray. Ang mga katabi namin nag-i-spray ng mga kontra-damo, pampatuyo ng damo, kami hindi."

Taglay ang mga nalalaman sa iba’t ibang natural na concoctions, ginagamit ni Ginang Basing ang mga ito sa pagpalago ng mga pananim at paglaban sa mga insekto.

“Ang mga pang-abono namin at mga pamatay peste ay ginagawa lang namin. Gumagawa kami ng mga concoction na OHN (Oriental herbal Nutrient) panlaban sa peste. Tapos yung Fermented Plant Juice (FPJ) galing sa mga nitrogen-rich na dahon, pini-ferment namin, ini-spray namin para pang-abono. Gumagamit kami ng eggshell na ibinababad sa suka. During fruiting stage, ginagamit namin yan para ma-boost ang pagbulaklak.

“Ang panlaban namin sa mga peste, number one: dapat laging bisitahin. Nag-uumpisa pa lang, ina-aplayan na namin ng OHN ang mga tanim. Kung medyo marami na ang infestation, inaalis namin. Binubunot na namin. Inaalis na namin,”sabi ni Ginang Basing.

LSA

Dahil sa ipinamalas ng Manuel’s Garden sa organic farming at pagproseso ng mga produkto mula sa nakatanim dito, hinikayat sila ng LGU-Goa at GAPPA na mag-apply bilang Learning Site for Agriculture (LSA) ng ATI. Noong Nobyembre nang nakaraang taon, nasertipikahan sila bilang LSA.

Sa kasamaang palad, hindi na inabot ng kanyang asawa ang okasyon. Pumanaw ito isang buwan bago naging LSA ang kanilang farm, na pinangalan mismo sa kanya.

Masama man sa loob, itinuloy pa rin ni Aling Basing ang pangarap na sabay nilang binuo ng kanyang asawa. Sa ngayon, katuwang nya dito si Jeric, isa sa tatlong anak nila.

Hinaharap

Agresibo ang Manuel’s Garden sa pagsulong ng kanilang mga produkto. Bumibista sila sa mga paaralan. Sumasali sila sa mga trade fair. Maingay na din sila sa social media.

Para mas lumago pa, dumudulog sila sa ibang ahensya ng gobyerno. Isa na dito ang Department of Trade and Industry. Ayon kay Aling Basing, “Ang priority namin ay makagawa kami ng processing plant, isang building para magsilbing processing area, para lang sa pag-process ng mga product.”

May mga lumapit din sa kanila. Binisita sila ng Bureau of Fisheries at Aquatic Resources para maisaayos ang kanilang fishpond, at ang Department of Tourism para maging angkop ito bilang farm tourism site.

Sa kasalukuyan, pinaghahandaan nila ang aplikasyon sa Participatory Guarantee System PGS para opisyal na mahirang na organic farm. Magiging selyo ito sa pagiging organiko ng kanilang mga produkto.

Malaki ang tiwala ng Manuel’s Garden na paunti-unti, makakamit nila ang kanilang pangarap, katulad ng pag-umpisa nila sa pagtanim ng roselle.

Kapag may nagtatanong tungkol sa halamang roselle, karaniwang sagot ng mga nakakakilala sa kanila, “Marami nyan sa Manuel’s Garden.”

Malayo-layo na nga ang narrating ng roselle sa hardin ni Manuel.


Story by: