Lakas ng Kababaihan Tungo sa Kaunlaran

Monday, November 21, 2022 - 15:19


Lakas ng Kababaihan Tungo sa Kaunlaran

Sa kabila ng mga hamong kinakaharap dulot ng pandemya, mas napatunayan ng mga Juana ang kanilang lakas, katatagan, at kakayahang mamuno sa mga gawain ng inang bayan. Kabilang na dito ang mga kababaihan na residente ng brgy. Imelda, Burgos, La Union na lumaban sa kahirapan dulot ng pagbabago ng panahon at sumunod naman ang covid19.

Halos kaumpisa pa lamang ng mga residente ng Imelda na patibayin at pagandahin ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya na naangkop sa kanilang lugar. Namulat ang mga kababaihan dito kung paano tumindig sa sariling mga paa at natutong kumita dahil sa inspirasyong ipinamalas ng Climate Resilient Agriculture- Livelihood Project (CRA-LP) na bumago ng kanilang pamumuhay.

Ang CRA-LP ay isang extension plan na ipinatupad ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center I (ATI-RTC I) na may layuning paunlarin ang mga magsasaka at mangingisda na maging matatag lalo na sa pabago-bagong panahon. Ang mga ito ay naturuan mula sa produksyion, pagproseso, pagbebenta kasama na ang pagbibigay ng mga gamit at mga aalagang hayop at halaman na angkop sa kanilang lugar. Pinagtibay ang samahan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtagtag sa kanila bilang kooperatiba ang Climate Resilient Agriculture Beneficiaries ng Burgos Cooperative (CRABBCO).

Upang palakasin ang samahan, inorganisa ang isang kooperatiba na pinangalanang Climate Resilient Agriculture Beneficiaries ng Burgos Cooperative (CRABBCO). Ang mga opisyal at miyembro ay lumahok at patuloy na lumalahok sa lahat ng mga aktbidad na isinagawa sa ilalim ng CRA-LP. Bagama’t naging banayad ang naging takbo sa umpisa ngunit pagkalipas ng dalawang taon, ang pandemya ay sumalanta dumagdag pa ang African Swine Fever na sya namang ipinanlumo ng mga may alagang baboy. Nakasabay man ang mga salot na ito, ang mga Juana sa brgy. Imelda ay hindi tumigil bagkus hinarap ang mga ito; patuloy ng pagtatanim ng mga halaman, plantito at plantita, pagbebenta ng mga kakanin at gulay kanilang pinagkakakitaan, pag-aalaga ng kanilang mga hayop ay kanilang inatupag.

Patuloy ang pag-ikot ng mundo ng mga Juana sa Imelda lalo na ang mga miyembro ng itinatag na kooperatiba. Patunay dito ang aklat na pinamagatang Kalikasan ay Linangin at Ingatan upang Makamit Asensong asam (KLIMA): Stories to Tell (The CRA Livelihood Project of Brgy. Imelda, Burgos, La Union). Ang aklat na ito ay naglalaman ng koleksyon ng mga kuwento ng mga benepisyaryo ng CRA-LP sa Brgy. Imelda, Burgos, La Union sa buong pagpapatupad ng proyekto. Itinatampok rin nito ang pagbabago ng mga benepisyaryo sa pagharap sa mga panganib na dulot ng pabago-bagong panahon upang maging isang matatag na komunidad pagkatapos na bigyan sila ng mga kinakailangang kaalaman, kasanayan at mga kinakailangang serbisyo ng suporta mula sa ATI-RTC I at iba pang miyembro Regional Agriculture and Fishery Extension Netwrok I (RAFEN I).

Lakas ng Kababaihan Tungo sa Kaunlaran

Si Binibining Mary Ann Sino Cruz, Presidente ng samahang CRABBCO ay nagsabi na nabigyan ang kanilang barangay ng pag-asang mapabuti ang kanilang kabuhayan at napataas pa ang antas ng kanilang pamumuhay.

“Noong wala pa ang proyektong ito, ramdam talaga ang aming kahirapan dulot ng kawalang kabuhayan bukod sa pagtatanim ng palay na minsan lamang sa isang taon at may pagkakataon pa na nasasalanta ng pagguho ng lupa at tagtuyot. Sanhi nito ay pagbaba ng ani at kita ng mga magsasaka sa aming lugar. Ang proyektong CRA ang nagbigay ng pag-asa sa aming mahihirap lalo na sa aming mga kababaihan dito sa aming barangay dahil ipinamulat sa amin ang mga bagay na pwedeng pakinabangan at pagkakitaan. Nagkaroon kami ng pagkakataong makapagsanay ng iba’t-ibang makabago at makakalikasang teknolohiya at naangkop sa pagbabago ng panahon.” Sinabi ni Bb. Mary Ann Sino Cruz.

Masasalamin dito na ang ATI ay kaisa sa layuning palakasin ang mga kababaihan as “We Make Change Work for Women: Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran,” ito na ang isa sa mga patotoo, ang mga kababaihan sa Brgy. Imelda, Burgos, La Union.


Story by: