
Sa bayan ng Urbiztondo, Pangasinan, isang bagong mukha ng pagsasaka ang unti-unting humuhubog sa kinabukasan ng agrikultura. Siya si Jomari Fritsgerald Custodio Magpayo, dating SK Chairman, machine operator, youth leader, at ngayo’y kinikilalang organic farming advocate. Sa murang edad, pinatunayan niya na hindi hadlang ang kabataan sa pagiging lider ng pagbabago sa agrikultura.
Bilang anak ng isang pamilyang nakasalalay sa sakahan at negosyong agrikultural, naging natural na hakbang para kay Jomari ang pagtulong sa kanilang negosyo na nagsusuplay ng farm inputs sa mga magsasaka. Sa tuwing tag-ulan, nakatuon sila sa pagtatanim ng palay, habang sa tag-init ay mais at sorghum ang pangunahing pananim. Subalit higit pa sa pagsasaka, may mas malalim siyang misyon—ang itaguyod ang organikong pagsasaka bilang alternatibong solusyon sa mataas na gastusin sa synthetic inputs.
“Nakita ko po ‘yung oportunidad sa organic farming. Alam kong malaking tulong ito para sa mga farmers natin na umaasa sa kemikal. Sa organic, halos lahat ng farm waste ay puwedeng mapakinabangan,” ani Jomari.
Farming na May Konsensya
Hindi lamang ani ang layunin ni Jomari—kundi ang makapagtanim ng kaalaman, kalusugan, at malasakit. “Sa organic farming, ito ang farming na may konsensya,” aniya. “Hindi lang safe ang pagkain, kundi pati ‘yung magsasakang nag-a-apply ng inputs, ligtas din.”
Ang mga natutunan niya sa kanyang 9-buwang training sa Our Farm Republic (OFR) ay naging pundasyon ng kanyang advocacy. Dito niya unang namulat sa konsepto ng zero farm waste. Sa halip na patayin ang mga kuhol gamit ang kemikal, kinokolekta nila ito at ginagawang foliar fertilizer. Ang mga trimmings, damo, at farm residues ay ginagamit sa vermicomposting—isang hakbang patungo sa ganap na circular farming system.
Iskolar, Magsasaka, Lider
Isa si Jomari sa mga unang scholars ng Young Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) program na matagumpay na na-validate bilang Learning Site for Agriculture (LSA) ng ATI-RTC I—ang kauna-unahan sa buong bayan ng Urbiztondo, Pangasinan, at sa buong Region I sa ilalim ng YIPOA Batch 1. Isa rin ito sa patunay na sa kabila ng kanyang kabataan, handa siyang gampanan ang mas malaking papel sa pagsulong ng organikong rebolusyon.
“Nakakatuwang isipin na tayo po ang unang YIPOA scholar na naging LSA. Ito po ay hindi lang para sa akin kundi para sa buong komunidad ng Urbiztondo, Pangasinan” ani niya. “Mas mapapalawak natin ang saklaw ng pagtuturo at pagbabahagi ng teknolohiya sa mga magsasaka.”
Pagpapalawak ng Sakahan at Serbisyo
Bukod sa pagtuturo, plano rin ni Jomari na palawakin ang kanyang operasyon. Sa kasalukuyan, nakakapag-produce siya ng 300 bags ng carbonized rice hull (CRH) kada buwan—isang mahalagang soil amendment sa panahon ng seedling production. Target niyang doblehin ito upang mapunan ang pangangailangan ng mas maraming magsasaka.
Plano rin niyang dagdagan ang vermicomposting area para mas mapaganda ang kalidad ng lupa. “If you feed the soil, the soil will feed the plant,” giit niya.
Ang Kabataang May Malasakit at Bisyo sa Pagsasaka
Sa likod ng kanyang tagumpay ay ang walang sawang tiyaga at determinasyon. “Sa farming, hindi ito easy money. Kailangan mong paghirapan, pagtiyagaan, at mahalin,” ani Jomari. “Pero hangga’t may kumakain, mananatili ang halaga ng isang magsasaka.”
Ang kanyang kwento ay patunay na ang bagong henerasyon ng mga Pilipino ay hindi lamang handang tumanggap ng hamon, kundi handang magtaguyod ng makabuluhang pagbabago. Sa katauhan ni Jomari, muling nabibigyang boses ang kabataan—hindi lang bilang tagasunod, kundi bilang tunay na tagapagtaguyod ng isang makakalikasang rebolusyon sa agrikultura.
Story by: