RODRIGUEZ, RIZAL – Buong puwersa ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON sa pagsurpresa at pagbibigay ng ngiti sa mga kabataang may espesyal na pangangailangan na nasa pangangalaga ng Cottolengo Filipino, Inc., Disyembre 20.
Tahanan ang Cottolengo Filipino, Inc. ng tatlumpu’t anim (36) na mga kabataang may espesyal na pangangailangan na inabandona at ipagkatiwala sa iba ng kani-kaniyang mga pamilya. Bukod sa pagiging tahanan, nagbibigay rin ang Cottolengo Filipino, Inc. ng atensyong medikal, physical/occupational therapy, at special education.
Mainit na tinanggap ng pamunuan ang DA-ATI CALABARZON na katuwang nito sa extension project na “Halamanan sa Bahay-Kalinga: An Extension Innovation on Inclusivity and Empowerment” na nagkamit ang nasabing proyekto ng ikalawang puwesto sa poster competition (extension category) na bahagi ng 1st Regional Research and Innovation Week nitong Oktubre.
Ipinasyal ng Cottolengo Filipino, Inc. ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON sa mga pasilidad nito at nasaksihan ang kundisyon ng mga kabataang itinuturing ang lugar bilang kanilang tahanan. Matapos ito, pinangunahan ng ahensya ang paglilinis at pagtatanim sa halamanan ng Cottolengo Filipino, Inc. kung saan aktibong nakibahagi ang mga kabataan.
Nagkaroon din ng maikling programa upang pormal na maipamahagi ang pamaskong handog ng DA-ATI CALABARZON kabilang ang mga grocery package at ang cash prize para sa extension project nito.
Nagbigay ng mensahe si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas, samantalang nagpasalamat naman si Fr. Julio Cuesta Ortega, FDP, President/Executive Director ng Cottolengo Filipino, Inc.
Bilang bahagi rin ng aktibidad, nagsagawa ang ahensya ng courtesy visit sa DA-ATI Central Office.
Ulat ni: Archie Linsasagin