Radyo Eskwela sa Organikong Pagsasaka Inilunsad

Mon, 07/18/2022 - 11:28
Radyo Eskwela sa Organikong Pagsasaka Inilunsad

Sa pangunguna ng ATI-MiMaRoPa katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Panlalawigang Agrikultura ng Occidental Mindoro at ang mga Munisipyo ng Magsaysay, San Jose, Rizal at Calintaan, pormal na inilunsad noong ika-15 ng Hulyo 2022 sa pamamagitan ng Zoom Application ang Radyo Eskwela tungkol sa Organikong Pagsasaka na may temang “Kayang-kaya ang Organikong Pagsasaka”.

Nagsimula ang programa sa pagtalakay tungkol sa kahalagahan, layunin, requirements at mechanics ng Radyo Eskwela na ibinigay ni Information Officer II/SOA Point Person Erlan D. Pasana. Sinundan ito ng diskusyon tungkol sa mga modyul o paksa na ituturo sa kabuuang pagsasaere ng programa na ibinigay naman ni Information Officer II/OA Point Person Jezell dT. Dela Cruz.  

Sa pamamagitan ng isang video message ipinaabot ni ATI-MIMAROPA Center Director Pat Andrew B. Barrientos ang kanyang lubos na suporta sa programa. Sa kanyang mensahe binigyang diin niya ang kahalagahan ng Organikong Pagsasaka para ma solusyonan ang kinakaharap na problema tungkol sa kakulangan ng pagkain sa buong bansa. “Makakatulong din ito upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa abono na ginagamit nila sa sakahan”, dagdag pa niya. 

Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe ay ang TESDA sa pangunguna ng kanilang Regional Director Rosalina P. Reyes na kinakatawan ni Senior TESDA Specialist Babyruth Hablo. Gayundin nagpaabot din ng kanilang mensahe sina OIC-Provincial Agriculturist Alriza C. Zubiri at Municipal Agriculturist Jehu Michael Q. Barrientos. 

“Sa ating mga magsasaka, alam naman natin ang mga teknolohiya ay nagbabago. Kaya ito na ang tamang panahon para madagdagan ang ating kaalaman tungkol sa Organikong Pagsasaka”, sabi ni OIC-Provincial Agriculturist Alriza C. Zubiri. 

Kasama ang mga piling estudyante na kalahok sa bertwal na paglulunsad ng programa bawat munisipyo, hinikayat ni ATI-MIMAROPA OIC-Assistant Center Director Norbeto C. Maur ang mga kalahok na seryosohin at isapuso ang paksa na tatalakayin sa programa upang tiyak na makakatulong ito sa kanilang pagsasaka. “Inaasahan ko ang inyong tuloy-tuloy na suporta sa ating programa lalo na sa ating mga katuwang na munisipyo upang mas marami tayong mga kliyente na matutulungan”, sabi niya. 

Ang nasabing Radyo Eskwela ay mapapakinggan sa 101.7 FM Radyo Natin San Jose tuwing araw ng Lunes at Miyerkules, alas dose hanggang ala una ng hapon simula ngayong ika-18 ng Hulyo 2022. 

article-seo
bad