Kwentong Black Soldier Fly (BSF) Farming ni G. Gabutero

Monday, December 18, 2023 - 13:53


Gabutero BSF Farming 1

Sa kasalukuyang panahon kung saan mataas ang presyo ng mga commercial feeds, isang napakahalagang aspeto ng pagsasaka ang pagsusuri at paghahanap ng alternatibong paraan ng pagpapakain ng hayop na nagtataglay pa rin ng masusing pangagalaga sa kalikasan.

Kilala si G. Nelson B. Gabutero Sr., cooperator ng Gabutero Organic Farm, hindi lamang bilang isang matagumpay na magsasaka kundi bilang isa sa mga nangungunang organic practitioners sa rehiyon. Isa rin siyang cooperator ng School for Practical Agriculture ng Agricultural Training Institute-MIMAROPA.

Ang kanyang kwento ay isang paglalakbay mula sa pagiging guro patungo sa pagiging lider sa sektor ng organikong pagsasaka. Ang Gabutero Organic Farm na matatagpuan sa Brgy. Labonan, Bongabong, Oriental Mindoro ay hindi lamang isang matagumpay na negosyo kundi isang halimbawa ng pagkakaroon ng sustenableng pamamaraan ng pagsasaka sa pamamagitan ng organikong agrikultura. Dahil dito, kinilala siya bilang isang Gawad Saka awardee sa larangan ng organikong pagsasaka noong 2019. Ang parangal na ito ay nagpapatunay sa kanyang dedikasyon at tagumpay sa pagpapalaganap ng organikong pamamaraan sa pagsasaka.

Mula sa pag-aaral ng African Night Crawler, matagumpay niyang naisagawa ang vermiculture, isang paraan ng paggamit ng bulate upang maging natural na pataba sa kanyang mga pananim. Siya na ngayon ang isa sa mga malalaking suppliers ng African Night Crawler, vermicast at vermicompost sa rehiyon.

Subalit sa kabila ng kanyang tagumpay sa larangan ng pag-oorganiko, partikular sa vermiculture, hindi ito naging hadlang sa kanya upang magpatuloy sa pananaliksik ng mga teknolohiyang ligtas at abot-kaya para sa mga magsasaka. Dito nakita niya ang kagandahan ng pag-aalaga ng Black Soldier Fly (BSF).

Gabutero BSF Farming 2

Natuklasan niya ang potensyal ng naturang insekto sa produksyon ng mataas na kalidad na pakain para sa hayop. Isa itong hakbang sa pagiging sustenable at cost-efficient na magsasaka, lalo na sa panahon ng mataas na presyo ng pagkain para sa mga alagang hayop.

Ayon sa kanya, ang BSF ay hindi isang pangkaraniwang langaw na mapaminsala katulad ng mga household flies. Ito'y kilala sa pagiging epektibong organikong decomposer na maaaring mag-convert ng organic waste tulad ng mga tirang pagkain, prutas, gulay at mga farm wastes patungo sa masustansiyang pagkain. Ang larva ng BSF ay mataas sa protina, paborito ng mga poultry at baboy, at nagiging mahalagang bahagi ng balanced diet para sa mga ito.

Upang mapatunayan ang dulot nitong benepisyo sa mga magsasaka, nagsawa siya ng sariling pagtutok, pananaliksik at pagsasanay sa iba't ibang aspeto ng pag-aalaga at pangangalaga ng BSF.

Gabutero BSF Farming 3

Katunayan, sa kanyang mga praktikal na pananaliksik sa BSF, isinagawa ni G. Gabutero ang epekto nito sa pagpapataba ng manok at native na baboy. Ayon sa kanya, gamit ang purong BSF larvae bilang pakain, ang broiler ay umabot ng 1.8 kg. sa loob ng 30 araw. Sa kalahating ratio ng BSF at commercial feeds, ang timbang ng broiler ay nagkaroon ng parehong bigat sa loob ng 32 araw. Samantalang ang purong commercial feeds ay umabot lamang ng 34 araw bago makamit ang parehong bigat. Samantala, sa karaniwan na pag-aalaga ng native baboy, umaabot sila ng pitong (7) buwan upang tumimbang ito 25 kilo, subalit sa kanyang pag-aaral gamit ang pakain na may halo ng BSF larvae, umabot lamang sila ng limang buwan upang maabot ang kaparehong timbang. Napansin din niya na malinamnam ang karne, manipis ang balat at naging pino ang balahibo ng baboy.

“Sa ganitong resulta, masasabi ko na ang BSF larvae ay epektibong alternatibong pagkain para sa mga alagang hayop, partikular sa manok at baboy,” wika ni G. Gabutero.

Sa ngayon, ginagamit na rin niya ang BSF larvae na pakain sa kanyang tilapia, hito, itik at ornamental fish.

Maliban dito, ibinida niya na hindi lang larvae ang maaaring pakinabangan sa BSF dahil ang dumi nito na tinatawag na frass ay mainam na gawing pataba at ginagawa din nilang concoction pang-spray sa mga halaman.

Sabi pa ni G. Gabutero, hindi mahirap alagaan at paramihin ang BSF. Kinakailangan lang ng tuloy-tuloy na pagpapakain dito na makikita at makukuha din lamang sa ating kapaligiran tulad ng mga tirang gulay, prutas at basura sa bukid.

Gabutero BSF Farming 4

“Kami ay nagsimula lamang noong February 2023 at makalipas lamang ng walong (8) buwan, nakakapag-harvest na kami ng average na 150 kilograms ng BSF larvae kada araw,” aniya.

Sa panayam sa kanya kung ano ang nag-uudyok sa kanya na pag-aralan at gamitin ang mga hindi gaanong kapansin-pansin na mga bagay tulad ng mga bulate, insekto at iba pa, ito ang kanyang naging sagot:

"Ang pangarap ko ay hindi lamang tungkol sa kita, kundi sa masusing pagsusuri sa ating kapaligiran. Inaaral ko ang mga natural na proseso at nakakita ako ng potensyal na kapakinabangan nito sa ating mga magsasaka na hindi na gagastos ng malaki pa at nakakatulong pa tayo na mapabuti ang ating kalikasan,” wika niya.

Kaya naman, hinihikayat niya ang kaniyang kapwa magsasaka na pag-aralan, tuklasin at gawin ang pag-aalaga ng BSF lalo na ngayon na mahal ang commercial na pamakain sa hayop.

“Kami naman, sa pamamagitan ng ATI ay libre ang pagsasanay dito at ang Gabutero Organic Farm ay handang tumulong sa ating mga magsasaka. Willing din kami na magbigay ng breeder upang mapabilis ang pagpapalaganap ng BSF Farming,” panghihikayat niya.

Sa likas na pagmamahal ni G. Gabutero sa kalikasan at pagmamahal sa pagsasaka, patuloy siyang nagiging inspirasyon sa mga nagnanais na maging matagumpay sa larangan ng organikong pagsasaka. Isa siyang huwarang magsasaka at tagapagtaguyod ng organikong agrikultura na nagpapakita kung paano ang maliit na hakbang ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa ating kalikasan. Gayundin, naniniwala siya na ang tagumpay sa organikong pagsasaka, ay isang paglalakbay patungo sa puso ng kalikasan, kung saan bawat nilalang, maliit man o malaki, ay may kanya-kanyang papel at kahalagahan.

Panoorin ang kwentong tagumpay ni Ginoong Nelson Gabutero.


Story by: