"May malaking FUTURE sa AGRICULTURE!" Ito ang mensaheng palaging ipinaparating ni Reynante “Reynan” Agustin ng Agustin’s Farm sa kanyang mga nakakasalamuha at sa mga bumibisita sa kanyang farm sa Abra de Ilog, Occidentla Mindoro. Sa edad niyang 43 taong gulang, masasabi niyang kahit papaano ay napapatunayan na niya ito.
Si Reynan ay lumaki at payak na namuhay sa pamamagitan ng pagsasaka. Aniya, ang pagsasaka ang kinalakhan niyang propesyon ng kanyang mga magulang. Ito din ang naging pangunahing pinagmumulan ng kanilang pangkain sa araw araw.
Kaya naman, kahit nauso ang kursong Computer Science noong siya ay nagkolehiyo, bumalik pa rin ang puso niya sa pagsasaka. Mula sa inspirasyong nakuha niya sa kanyang magsasakang ama, pinasok din niya ang propesyon ng pagsasaka kung saan nagsimulang magbukas ang iba’t ibang oportunidad para sa paglago ng kanyang pamumuhay.
Marami siyang dinaluhang pagsasanay mula sa iba’t ibang ahensya ng Kagawaran ng Pagsasaka. Dito din ay lumalim ang kanyang pakikipagkapawa tao at nabuo ang maraming pakikipag-ugnayan at relasyon sa mga tanggapan ng gobyerno, higit lalo sa Lokal na Pamahalaan ng Abra De Ilog ng Occidental Mindoro. Sa katunayan, siya ay isang Local Farmer Technician hanggang sa ngayon. At sa kanyang pagdalo ng mga pagsasanay ay nagkaroon siya ng pagkakataong malaman ang programa ng iba’t ibang ahensya gaya ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) MiMaRoPa, DA Regional Field Office MiMaRoPa, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) , LGU-MAO,LGU-PESO at iba pa.
Kaya naman nabigyan din siya ng DA-Regional Field Office MiMaRoPa ng mga kagamitan gaya ng solar pump, pump engine, pump irrigation system na nagagamit na niya ngayon sa kanyang pagsasaka.
Dahil sa galing at kahanga-hangang pagpapamalas ng kahusayan ng pagiging isang magsasaka,nakatanggap siya ng dalawa sa pinakamataas na pagkilala sa larangan ng pagmamais at pagpapalay. Siya ay CORN GAP at GAWAD SAKA (RICE) awardee sa buong rehiyon ng MiMaRoPa.
Siya ngayon ay certified Learning Site ng ATI MiMaRoPa sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund at accredited Farm School na din ng TESDA MiMaRoPa. Mayroon siya ngayong tatlong kursong iniooffer sa kanyang farm School gaya ng Digital Agriculture Course, Pest and Nutrition Management at ang Farmers Field School on Rice. Aniya, malaking katulungan sa kanya ang nakuha niyang Php 300,000.00 sa ATI at ang pondong nakukuha niya sa TESDA bilang Farm School dahil mas napapalago niya ang kanyang mga pasilidad at mas gumaganda ang kanyang farm. Ilan sa mga nadagdag sa kanyang farm ay ang traktora na kailangan sa demonstrasyon, training materials, at isa pang training hall facility para mas makapagaccommodate ng mas maraming kliyente sa farm.
Dahil higit sa kung anupaman, masaya siya na kapag dumarating ang mga bisita sa kanyang farm, ay marami silang natutunan mula sa mga demonstrasyon na kanyang ginagawa.
Sa pagnanais na patunayan na may pera sa agrikultura, sumubok din siyang magtayo ng tindahan ng agricultural supply. Aniya, mahalagang ilapit sa mga magsasaka ang mga kailangan nila sa pagsasaka nang sa gayon ay mabawasan ang nadarama nilang kahirapan. Kaya naman, dahil dito, siya rin ngayon ay credited merchant for fertilizer voucher ng DA-RFO-MiMaRoPa sa kanilang lugar.
Sabi niya ay mahalaga din ang maayos na pakikipagtuwangan sa mga ahensya at sa LGU ng Abra De Ilog, dahil isa din sa ikinatutuwa niya ay ang pakikipag-ugnayan ng LGU-PESO sa kanyang farm kung saan pipili sa mga nagsipagtapos Agustin’s Farm ang partner ng LGU-PESO mula sa South Korea upang gawin silang seasonal farm worker sa loob ng anim na buwan sa darating na Marso 2024. Magandang oportunidad ito para sa mga magsasaka at mga susubok pa lang magsasaka. Masaya siya na sa pamamagitan ng farm at nga programa niya sa farm ay nakakatulong siya sa kanyang mga kababayan.
Aniya, gusto niyang baguhin ang mentalidad ng tao na mahirap magsaka, na pagtatanim at pag-ani lang ang maaring gawin. Iba na ngayon ang makabagong magsasaka, dahil si Reynan, na likas mapagsaliksik sa mga bagay at programa ay nakakapagbigay serbisyo din sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsasanay, may sariling tindahan ng agricultural supplies at nakapagbibigay pa ng ibang kaalaman sa mga kapawa magsasaka. Kailangan lamang ng determinasyon, dedikasyon at sipag para umunland sa buhay.
“Magpursige at tingnan na ang farming ay hindi trabahong mahirap. Ito ay isa larangan din na pwede kang kumita.”, ani Reynan.
Story by: