Tatlumpo’t siyam (39) kalahok mula sa iba’t ibang bayan at Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Farm Schools ng Masbate, Albay at Camarines Sur ang nagtapos ng pagsasanay tungkol sa Digital Farmers Program (DFP). Dalawampo (20) na mga kalahok nito ay Agricultural Extension Workers (AEWs) labing siyam (19) naman ay mga tagapagsanay ng mga farm schools.
Isinagawa sa dalawang (2) pangkat ng mga kalahok, ang pagsasanay ay naganap sa pakikipagtulungan ng Digital Agriculture and Innovation Center ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) at Smart Communications, Inc.
Ang unang batch ay isinagawa noong ika-18 hanggang ika-20 ng Abril sa Masbate City habang ang ikalawang batch ay ginanap noong ika-23 hanggang ika-25 ng Mayo sa ATI Bicol, Pili, Camarines Sur. Para sa hands-on ng mga kalahok, ginamit ang sampong (10) pirasong smartphones mula sa ATI na naglalaman ng iba’t ibang Agricultural at Marketing Apps.
Nagsilbing tagapagsalita si Karlos Miguel Haber, Information Technology expert ng CBSUA, tungkol sa paggamit ng internet at GPS Field Area Measure. Tinalakay ni Jobenel De La Torre, Technical Support Staff ng DA-ATI Bicol ang iba’t-ibang Agricultural Apps na makakatulong sa mga magsasaka. Karamihan sa mga agri apps ay binalangkas ng PhilRice.
Sina Michael Villezar at Christian Tosoc ng DA-ATI Bicol ay nagturo tungkol sa smartphone, paggamit ng social media, mga apps tulad ng Payong PAGASA, QR Code Technology, Rice Crop Manager, at eLearning. Kabilang din sa pagsasanay ang talakayang ibinahagi tungkol sa paggawa ng online poster, maging ang paggamit ng iba’t ibang e-commerce platforms at online transactions/payments tulad ng Maya at GCash.
Ang DFP ay itinataguyod upang makapagsanay ng mga AEWs at farmer school trainers tungkol sa digital farming upang maging katuwang na matulungan ang mga magsasaka na ma-access ang mga impormasyong kailangan upang makagawa ng mas mahusay na desisyon sa pagsasaka.
Layon ng DFP na pagbutihin ang mga kahusayan at kasanayan sa paggamit ang digital technology, at palawakin ang oportunidad para sa mga magsasaka upang maibenta nila ang kani-kanilang ani sa paraang mas maayos at mas makatutulong sa kanilang kabuhayan.