Mon, 04/28/2025 - 16:20

IMG_9495.JPG

Masusing nakikinig ang mga kalahok sa paliwanag ng resource person tungkol sa pagnenegosyo.

DAET, Camarines Norte-  Matagumpay na nagtapos ang 26 magsasaka mula sa rice cluster sa limang-araw na Training on Rice-Based Integrated Farming System with Enterprise Development for Rice Clusters na isinagawa ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center V (ATI-RTC V) noong Abril 21 hanggang 25, 2025 sa Daet, Camarines Norte. Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa makabagong pamamaraan sa pamamahala ng sakahan  at oportunidad sa pagnenegosyo upang mapalakas ang kanilag produksyon at kita sa pagsasaka.

Pinasinayaan ni ATI Bicol Information Officer II at Project Officer Isagani C. Valenzuela Jr. ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe sa ngalan ni ATI Bicol Center Director Elsa A. Parot. Kasama nya sa pagsasanay si ATI Bicol Technical Staff Engr. Junliet Kryzzel A. Teope.

Tinalakay ni Gng. Phoebe San Buenaventura ng Department of Agriculture-Regional Field Office 5 (DA-RFO 5) ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng palay, ang PalayCheck System, at ang paggamit ng Diagnostic at Decision Support Tools para sa mas epektibong pamamahala ng sustansya sa palayan. Ipinakilala rin niya ang Rice-Based Integrated Farming System bilang estratehiya sa pag-diversify ng mga yaman sa sakahan.

Ibinahagi rin ng iba pang mga eksperto ang kanilang kaalaman sa iba't ibang teknikal na paksa. Ipinresenta ni Dr. Carmelita Cervantes ng Carmel Integrated Farm ang System of Rice Intensification (SRI) na layuning pataasin ang ani gamit ang mas maayos na pamamahala ng tubig at sustansya. Tinalakay naman ni Ginoong  Eddie Ornido ng DA-RFO 5 ang Rice-Duck Farming at Biomass Recovery bilang mga alternatibong praktis sa pagsasaka. Ibinahagi ni G. Andrew Arellano mula sa Central Bicol State University of Agriculture ang Agroecology-Based Rice Farms at tinuruan ang mga kalahok kung paano bumuo ng mga farm business plans. Ipinaliwanag ni G. Cesar Mirana ng Provincial Agriculture Office ang Good Agricultural Practices (GAP) sa palay at ang mga hakbang para makamit ang PhilGAP certification.

Sa larangan ng pagnenegosyo, ibinahagi ni Gng. Nieves Septimo ng Septimo Oyster Mushroom Farm ang tungkol sa mushroom production. Ipinaliwanag nya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ibang aspeto sa sakahan na maaaring pagkakitaan nang malaki.

Bilang bahagi ng pagsasanay, nakabuo ang mga kalahok ng kani-kanilang farm business plans at re-entry plans. Sumailalim din sila sa mga aktibidad na tumalakay sa farm record-keeping, cost and return analysis, at mga estratehiya sa marketing, kabilang ang digital marketing, upang ihanda sila sa pamamahala ng sakahan bilang isang negosyo.

Pinasinayaan ang pagtatapos ng pagsasanay sa pamamagitan ng isang simpleng programa, kung saan si ATI Bicol Information Services Section Chief  Imperial ang nagbigay ng pangwakas na mensahe sa ngalan ni Center Director Parot. Nagbahagi rin ng kanilang mga karanasan at natutunan ang ilang piling kalahok. Iginawad sa mga nagsipagtapos ang kanilang mga certificate of completion.

article-seo
bad