Sun, 06/02/2024 - 15:45

Screenshot 2024-08-02 162302.png

PILI, CAMARINES SUR — Dalawampu't dalawang miyembro ng iba't ibang organisasyon ang nagsipagtapos sa Training on Organizational Management and Governance for Rural-Based Organizations (RBOs) na ginanap noong ika-29 hanggang ika-31 ng Mayo, 2024 sa ATI Bicol, San Agustin, Pili, Camarines Sur.

Sila ang mga kumatawan sa mga beteranong Magsasakang Siyentista (MS), sa mga kababaihan ng Rural Improvement Club (RIC), sa mga kabataan ng 4H Club, at mga tagapagtaguyod ng Naga City for Peace Movement. Bitbit nila ang mga adbokasiyang magpapaunlad ng kani-kanilang maliliit na samahan sa kanilang komunidad.

Nagkaroon ng hitik na hitik na talakayan at workshops ang tatlong araw na pagsasanay. Tinalakay ang mga tungkulin at katangian ng isang lider sa organisasyon, ang mga prinsipyo ng pamamahala at pagpapatakbo ng organisasyon; ang pangunahing estratehiyang pagpaplano; at ang mga pamamaraan ng parlyamentaryo at pagsusulat ng mga resolusyon.

Ani nga ng isang kalahok na si Trisha Joven, hindi pa pala sapat ang kanyang mga nalalaman upang maging matagumpay ang pagpapatakbo ng kanilang organisasyon. At dahil sa pagsasanay na ito, literal na "pumuputok-putok" ang mga ideya na nabubuo sa kaniyang isipan. Nagkaroon din sya ng mas malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng agrikultura sa ating bansa, kung kaya, nais niya rin daw maging isa sa mga Magsasakang Siyentista sa susunod na henerasyon.

Iba-iba man ang kanilang pinanggalingan, at may iba't iba rin silang adhikaing ipinaglalaban, datapwat, sila ay pinagbuklod ng agrikultura na may potensyal na magpabuti at magpaunlad pa ng kanilang samahan. Dahil dito, positibo ang kanilang paniniwala na ang kani-kanilang organisasyon ay raragasa at babangon.

article-seo
bad