DAET, Camarines Norte — "Hindi na pwede ang pa-tsamba-tsamba. Nag-SOA na kayo, alam nyo na ang gagawin sainyong niyogan." Ito ang mariing binigkas ni ATI Bicol Center Director Elsa A. Parot sa kanyang mensahe sa seremonya ng pagtatapos ng Masaganang Coco-buhayan: School-on-the-Air (SOA) on Coconut Production and Processing na isinagawa nito lamang Nobyembre 5, 2024 sa Daet, Camarines Norte.
Ang SOA ay pinangunahan ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center V (ATI Bicol) sa pakikipag-tulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA) Camarines Norte Provincial Office.
Ang 507 kalahok sa SOA ay nagmula sa mga munisipyo ng Basud, Labo, Mercedes, San Vicente, Sta. Elena at Vinzons. Sabayang napakinggan ng mga ito ang mga tema mula sa paghahanda ng tatamnan hanggang sa pagproseso ng mga produkto mula sa niyog. Ang talakayan ay isinagawa sa loob ng isang oras linggo-linggo at nagtala ng 12 episodes na sumahimpapawid sa pamamagitan ng Boom Radio Daet at social media mula Hulyo hanggang Oktubre 2024.
Si Mr. Basiliso P. Ababa, PCA Camarines Norte Division Chief, ay nagpahayag rin ng kanyang pagbati sa mga nagtapos. "Natapos nyo ang SOA sa loob ng 11 Fridays bagama't napakaraming obligasyon sa inyong niyogan at pamilya. Nagpapahiwatig ito sainyong kahandaan para sa masaganang coco-buhayan."
Naging tampok na bisita sa seremonya ng pagtatapos si Provincial Agriculturist Engr. Almirante A. Abad at ang Provincial Information Officer na si Dr. Sarah Marie Aviadio.
Pahayag ni Engr. Abad, "Pangarap natin na dito na natin ipoproseso ang niyog. Nais natin magkaroon ng marami at masaganang niyogan." Binigyang-diin naman ni Dr. Aviado ang halaga ng karagdagang kaalaman upang madagdagan ang kita ng mga magniniyog.
Nagbigay ng kanya-kanyang testamento at pagsasalaysay ng mga natutunan sa SOA ang iba't ibang partisipante.
Mula sa Basud, kung saan may 84 na kalahok, sinabi ni Ms. Zoe Tabalan ang halaga ng pagpili ng tamang baridad ng niyog, paglagay ng pataba sa puno, at paglagau ng mulch at cover crops lalo na ang leguminous na gulay.
Bilang representante ng 83 kalahok sa Mercedes, sinabi ni Mr. Vicente Morota na napunuan ng SOA ang mga pagkukulang sa kaalaman upang umunlad na ang kabuhayan ng mga magniniyog. Pahayag nya, hindi sapat na kopra lamang ang produkto mula sa niyog.
Mula sa Labo kung saan may 167 kalahok, sinabi ni Mr. Alberto Claudio del Villar na nagbigay kaalaman ang SOA upang mapalawak pa at napaangat ang mga praktis ng mga magniniyog upang tumaas ang kalidad at presyo mg mga produkto.
Bilang representante ng San Vicente kung saan may 54 na kalahok, sinabi ni Ms. Nelia Ladimo na nabigyan sila ng pananim para sa palibot ng niyog mula sa PCA kung kaya't ngayon ay nakakagawa na sila ng mga produkto mula cacao, halimbawa ay tablea at cocospread. Kung gagawin ng bawat magsasaka ang mga natutunan, tiyak na aasenso. "Proud magsasaka ako. 'Pag masipag, laging may kita. Think positive, talk positive," aniya.
Mula naman sa Sta. Elena kung saan may 90 kalahok, sinabi ni Ms. Arlene Misamos na naitatag nila ang Unity Farmers Agricultural Coop. at sila ay naglalayong magkaroon ng pagsasanay sa paggawa ng buko pie, nata de coco, at iba pa.
Mula sa Vinzons kung saan may 29 na mga kalahok, hinikayat ni Mr. Alex del Barrio ang mga kasamahan nya nanang natutunan ay isagawa sa sakahan.