Tue, 05/06/2025 - 14:40

8c5bfb57-8fe1-4130-9ddd-a39ce05c6276.jpg

Kinukunan ng larawan ng kalahok ang mga alagang manok sa isang farm bilang bahagi ng kanilang pagsasanay.

LUNGSOD NG LEGAZPI, Albay- Isinagawa noong Abril 28–30, 2025 sa Hotel Sentro, Legazpi City ang “Kumikitang Patok sa Pag-aalaga ng Manok: Pagsasanay sa Free Range Chicken Production and Enterprise Development” na pinangunahan ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center V (ATI-RTC V), katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office V (DA-RFO V). Layunin ng tatlong araw na aktibidad na paigtingin ang kaalaman at kakayahan ng dalawampung (20) benepisyaryo ng Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Project.

Sa pagbubukas ng programa, binati ni Engr. John Smith Arcilla ang mga kalahok at tagapagsalita. Ibinahagi ni Roberto B. Santos, Jr., Agriculturist II at Project Officer ng ATI Bicol, ang mga layunin ng pagsasanay. Sinimulan ang unang araw sa diskusyon ukol sa industriya ng manok at mga oportunidad sa negosyong kaugnay ng free-range chicken. Tinalakay ni Maria Teresa Bracia, isang Agricultural Technologist at practitioner, ang mga angkop na lahi, tirahan, at sistema ng pamamahala para sa FRC.

Sa ikalawang araw, tinalakay ni Dr. Marlon R. Tapel, Veterinarian III mula sa Albay Veterinary Office, ang mga sakit ng manok at mga biosecurity measures na dapat ipatupad. Isinagawa rin ang isang field visit sa Poultry Demonstration Farm sa Camalig, Albay, kung saan aktwal na nakita ng mga kalahok ang mga alagang manok at teknolohiya sa pagpapalaki ng FRC.

Sa ikatlong araw, muling pinangunahan ni Bb. Bracia ang sesyon sa paggawa ng alternatibong pakain gamit ang lokal na sangkap. May praktikal na pagsasanay kung saan aktwal na naghanda ng feed mixtures ang mga kalahok. Isinagawa rin ang re-entry planning kung saan limang grupo ang nagsumite ng plano para sa implementasyon sa kanilang mga organisasyon. Ang mga planong ito ay susubaybayan ng ATI Bicol sa loob ng anim na buwan.

Sa pagsasara ng aktibidad, ibinahagi ni Ginoong Santos ang buod ng kurso habang tatlong piling kalahok ang nagbigay ng kanilang mga pananaw at natutunan. Nagbigay ng panapos na mensahe si Dr. Emmanuel L. Orogo, Assistant Center Director ng ATI Bicol, sa ngalan ni Center Director Elsa A. Parot.

article-seo
bad