Saturday, December 28, 2024 - 19:44


A7III.00_13_24_10.Still001.jpg

Dalawang taon na ang nakakaraan nang nakapanayam ng ATI Bicol si Roberto Diesta, na mas kilala sa palayaw niyang ‘Bert’. Ibinahagi nya ang kanyang lista na naglalaman ng kanyang mga plano. Mga planong naisatuparan na.  Mga planong hinihubog na sa kasalukuyan. Mga planong aabutin pa lang.

Kabilang sa mga planong ito ay isinasagawa sa kasalukuyan ay pag-aalaga ng baboy at ang pagpapalago ng stingless bee.

Umpisa ng Paglilista

Ang 30-taong gulang na kabataang magsasakang lider ay isinilang at lumaki sa Brgy. Muladbucad Grande, Guinobatan, Albay. Siya ay anak ng magsasaka at Barangay Health Worker. Ayon kay Bert, anim na taong gulang pa lang siya ay nagsasaka  na sya, at gulay ang kanilang pangunahing tanim.

Ngunit umabot sa puntong ayaw na niya ring magsaka. Hanggang sa napabilang siya sa 4-H Club, isang pandaigidigang organisasyon ng pangunahing misyon ay ang tulungan ang mga kabataang maiangat ang kanilang kakayahan. Ang 4-H Club sa Pilipinas ay katuwang ng ATI na mahikayat ang kabataan na maging produktibong kasannga sa pagpapalago ng agrikultura.

Sa samahang yun nagbalik ang sigla ni Bert na ipagpatuloy ang pagtahak sa pagsasaka. At ang sigla ay nagmula sa handbook ng 4-H. “Nabasa ko ang handbook nila. Nakalista roon ang mga benepisyo at oportunidad na maaaring makamit ng mga kasapi. Mula noon, gumawa ako ng checklist na naglalaman ng lahat ng nais kong maabot,”

Jala-Jala hanggang Japan

Dahil sa kakapusan ng pera, hindi natapos ni Roberto ang kursong Bachelor of Science in Agri-Business sa Bicol University. Ngunit nagbukas ng bagong oportunidad nang makapasa siya sa Youth Empowerment for Sustainable Program (YES) ng ATI. Dito nakakuha siya ng full scholarship para sa Diploma in Entrepreneurship on Farm Business Management sa MFI Polytechnic Institute sa Jala-Jala, Rizal. Sa pagtatapos nya rito, nabigyan syang puhunan para sa produksyon ng ampalaya. Bahagi ng kanyang kita ay pinambili nya ng kalabawa para makatulong sa kanyang pagsasaka.

Noong 2019, isa si Bert sa 21 kabataang magsasaka na nakasama sa Young Filipino Farmers Training Program in Japan (YFFTP). Sa loob ng 11 buwan, natutunan niya ang mga makabagong teknolohiya sa agrikultura, na kanya naming ipinamahagi sa kanyang pagabablik sa bansa.

A7III.00_40_01_04.Still006.jpg

Babuyan

Sa pagbabalik ni Bert sa bansa, ang pangangalaga ng baboy ang kanyang napiling pangkabuhayan na hango sa grant ng ATI bilang benepisyo sa pagtatapos sa YFFTP.

Nag-umpisa siya ng walong baboy para sa fattening. Ngunit nang dumating ang African Swine Fever (ASF), nagbago ang kanyang diskarte.

“Napagtanto ko na ang breeding ang mas ligtas at mas kapaki-pakinabang sa ganitong sitwasyon,” Kaya nag-iwan siya ng isang inahin mula sa kanyang unang batch ng baboy, na kalaunan ay nagbigay sa kanya ng 12 biik. “Walo ang naibenta ko, at ang iba ay iniwan ko para sa fattening at karagdagang breeding stock.”

Ginamit din niya ang artificial insemination (AI) upang mapahusay ang kanyang produksyon. “Sa pamamagitan ng AI, mas napapadali at napapabuti ang pag-aalaga ng baboy. Naging malaking tulong ito upang mapanatili ang kalidad ng produksyon.”

Ang kita mula sa swine production ay naging daan upang makabili siya ng dagdag na lupa na tumaas nang higit sa doble – mula sa 0.4 ektarya, ngayon ito’y 0.9 ektarya na.

A7III.00_46_33_17.Still008.jpg

Ang Teknolohiya ng Splitting

Noong 2022, sinimulan ni Roberto ang stingless beekeeping gamit ang kapital mula sa Young Farmers Challenge. Isa sa mga pangunahing teknolohiyang ginagamit niya ang splitting, isang paraan ng pagpaparami ng colonies.

“Ang splitting ay paghahati ng colony gamit ang queen cell, brood, honey, at pollen. Kapag may queen cell, mabubuhay ang bagong colony kahit wala ang reyna,” paliwanag niya. Sa kanyang karanasan, ang isang colony ay maaaring ma-split kada tatlong buwan, na nagbibigay ng malaking kita.

Ang bawat colony ay may mataas na halaga sa merkado: ₱1,500 hanggang ₱2,000 kung nakalagay sa bao, at ₱3,000 kung nasa box. “Bukod sa honey, ang pagbebenta ng colonies ang pinakamalaking kita sa stingless beekeeping. Napakalaking tulong nito sa farm, lalo na kapag may sakuna,” ani Roberto.

Isa pang benepisyong binibigay ng stingless bees ay ang kanilang natural na kakayahang mag-pollinate, na mahalaga para sa mga organic farms. “Ang stingless bees ay hindi maselan alagaan. Sila mismo ang nag-aayos ng kanilang pugad at naghahanap ng pagkain,” dagdag niya.

Sa ngayon meron na syang halos 200 colony Ang ilan sa kanyang mga namimili ay mula pa sa Cordillera at Bisaya.

Ang Paglago

Hindi lamang ang kanyang mga alaga ang namamayagpag. Sa personal na antas, malayo na rin ang naabot na Bert dahil sa pagsulong nya sa agrikultura.

Noong nakaraang taon, ikinatawan nya Pilipinas sa ginanap na ASEAN Dialogue Exchange sa bansang Indonesia kun saan ibinahagi nya ang kanyang mga best practices. Dalawang beses din siyang napili bilang Regional Sectoral Chairperson for Youth in Agriculture and Fisheries. Sa nakaraang National Farmers and Fisherfolk month, siya ang nahirang na Farmer's Division Chief for Administration and Finance. Maliban pa ito sa pagiging aktibong tagapagsanay sa larangan ng Organic Agriculture, Crop Production at Agro-entrepreneurship.

Ganun pa man, lubos ang kanyang pagpapahalaga lalo na sa mga ahensyang gumabay sa kanya. ‘Maraming salamat po sa mga agencies gaya ng DA lalo na ang AMAD (Agri-business and Marketing Division), ang ATI, ang local government ng Albay lalo na sa Albay Provincial Agricultural Office at sa Guinobatan Municipal Agriculture Office sa laging paggabay sa akin”

Dagdag sa Lista

Sa kabila ng tagumpay, may hindi pa rin namamarkahan na ‘kompleto’ ang kanyang lista.

Halos natupad ang kanyang pangarap na makadalo sa National 4-H Convention kung hind lamang sumalungat sa kanyang naunang nakatakdang lakad.

Kahit hindi pa kumpleto, may idinagdag siya sa lista. “Pinapangarap ko ngayon ang mud crab production.” sabi ni Bert. “Nakikita ko ang potensyal nito sa merkado. Importante lang na alam mo ang production cycle at target market mo.”

Inuumpisahin nya na ring tugunan ang mga kinakalingan para maging Learning Site for Agriculture ng ATI. At ito ang nangunguna na ngayon sa lista. “Plano ko po talaga na maging LSA, lalo na sa livestock and stingless bee. Kasi alam ko na konti lang ang mayroon nito and gusto ma-share ko yung mga technology nito.”

At dagdag nya, “Gusto ko rin makahikayat ng marami pang kabataan sa agrikultura. May mga teknolohiya na ngayon na nagpapadali ng trabaho. Hindi na ito kasing hirap gaya ng dati.”

 


Story by: