Ang Pramis ng Mais: Patnubay ni Raul Carreras

Wednesday, December 28, 2022 - 16:22


TIGAON, Camarines Sur – Isang civil engineer, pinapakilala ni Raul ang kanyang sarili bilang isang magsasaka. Gamit ang siyensya at modernong teknolohiya, napatunayan ni Engr. Raul Carreras na ang pagsasaka ay maunlad na propesyon.

Nagsilbing Magsasakang Siyentista si Raul bayan ng Tigaon, Camarines Sur. “Ang pinaka-main crops ko ay mais, tubo, at meron pa akong ibang negosyo – egg-type poultry, swine, dairy cattle, meron ding fruit trees. Full time farmer ako.”

Bilang may-ari ng R2C Agri Farm at R2C Poultry Farm , naisagawa niya ang nakakahanga at modernong produksyon ng mais. Dahil dito, kinilala sya bilang National Outstanding Farmer Scientist noong taong 2008 at Gawad Saka Regional Outstanding Corn Farmer sa dalawang pagkakataon.

4th Qrtr- Engr. Raul Carreras.png

Hindi Madali

Bagama’t eksperyensiyado sa pagtatanim ng mais, amindado si Raul na may mga suliraning sumubok sa kanyang kakayahan. “Way back 2000, talagang problema ay corn borer. Ang damage ng corn borer, from 1% to 95% ‘pag hindi nabigyan ng tamang pag-spray. ‘Pag maulan, ang insecticide nawawala. ‘Pag tinamaan tayo ng corn borer, malaki ang damage.”

Imbes na mawalan ng ganang magtanim, nagsilbi itong hamon sa kanya. Naging tehno demo farm ang kanyang maisan “para masagot ang problema ng corn farmer. Isa na ako sa naging cooperator, ginawa ang demo farm doon sa amin sa Tigaon, na naging batayan na talagang effective, although marami rin ang nagko-kontra.

“Na-approve yun ng government, kaya ang ginagamit natin ngayong mga seeds ay genetically modified – pwedeng ispreyan ng glyphosate, mamatay ang damo, may protection na sa corn borer. Maswerte tayo dahil approved na ng government. Yun ang pinakaunang challenge na nahirapan kami noon, dahil from time-to-time nalulugi ako,” pahayag ni Raul.

Sa tulong ng Department of Agriculture, naisagawa ni Raul ang mekanisasyon sa pag-ani upang masolusyunan ang kawalan ng mga trabahador sa maisan o ‘di kaya’y mataas na puhunan para sa sahod ng mga ito. “Nag-shift ako from manual harvesting to mechanical harvesting. Meron nang binibigay ang government ngayon na mechanical harvester.”

Gayundin, naging mekanisado ang pagpapatuyo niya ng mais. “Dati, solar drying lang ako. ‘Pag umuulan, mahirap mag-dry. Kaya nagpagawa ako ng sarili kong mechanical dryer, kasi during rainy season ang harvesting, talagang nahihirapan tayo. ‘Pag hindi mo na-sheller yan at in 2-3 days hindi mo nabilad, siguradong magkakaroon yan ng mold.” Bukod sa pinapababa ng amag ang kalidad ng produktong mais, marami rin itong dulot na suliranin sa kalusugan.

Teknolohiya’t agham mula paghanda ng lupa hanggang pag-ani ang armas na gamit ni Raul upang mapataas ang dami at kalidad ng kanyang produktong mais.

Pagkilala at Pasasalamat

Isinasabuhay ni Engr. Raul Contreras ang modernong agribusiness. Ang kanyang produkto ay mahalaga sa masiglang industriya ng paghahayupan. Kaagapay si Raul ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagkamit ng sapat at ligtas na pagkain para sa bayan.

“Sa technology na gamit ko ay nagpo-produce ako ng mtaas na ani. Thank you DA sa suporta ninyo sa aming corn farmers. As a corn farmer, katuwang kami ng mga nasa livestock, kasi kami ang gumagawa ng pagkain ng mga baboy. Malaking kontribusyon yun, kasi kung wala ang corn farmer, walang ipapakain sa baka, sa manok.”

Bagama’t patuloy na nakikibaka ang industriya ng pagmamais sa mataas na presyo ng abono, hindi ito dahilan upang magwalang-bahala.

Wika ni Raul, “Siguro pag-isipan natin kung paano masagot, kasi ang mais maganda. Ang presyo ng mais ay medyo maganda na. Sa history ng pagtanim ko ng mais, ito ang pinakamataas. Kaya ang pramis ng mais, talagang pwede. Magtanim tayo ng mais.”

Land preparation

  • Maling praktis kapag masyadong minamadali ang paghanda ng lupa. Traktora ngayon, sa sunod na araw ay magtatanim na.
  • Ang tamang paghanda ng lupa ay inaabot ng tatlong linggo hanggang isang buwan. Kailangang araruhin (plowing) at suyurin ang lupa (harrowing).
  • Matapos ang 21-30 araw ay suyuring muli. Kapag nakasingaw na ang lupa, nabulok na ang damo , at naging pino na ang lupa, ito ang tamang oras para muling suyurin ang lupa (second harrowing).
  • Saka lang magtatanim kapag naisagawa ang mga ito at bulok na ang damo.

Planting

  • Kailangang nakayuko ang nagtatanim upang tama ang distansiya ng mga itinatanim na butil (20 cm). Kapag masyadong malapit ang pagkatanim, maraming kakailanganging butil at maliliit ang bunga ng mais.
  • Meron akong dinesenyong patpat (stick). Gamit ito, nasusundan ang tamang distansiya ng mga tanim (20 cm between hills, 70 cm between furrows).
  • Kailangang tabunan ng lupa ang butil gamit ang kamay, hindi ang binti. Kapag tama ang kapal ng lupang itinabon, pare-pareho ang pagsibol ng mais.
  • More on rainfed lang ang corn area ko, walang irigasyon. Nagtatanim ako sa panahon na hindi aabutin ng bagyo o sobrang tag-init ang tanim.
  • Ang hybrid seeds ay tinitesting ko muna. Kung alin ang mataas na ani at hindi susceptible sa sakit, yun ang ginagamit ko.
  • Ang bawat sako ng butil ay naglalaman ng 35,000 seeds. Sa isang ektarya, kailangan ang dalawang sako. Sa distansyang 20 cm between hills at 70 cm between furrows, 70,000 kernels or seeds ang kailangan.

Fertilization

  • Hindi maganda ang dating praktis na isinasabog ang pataba. Kailangang kontrolado ang pagbagsak ng pataba sa lupa, kaya’t kailangang nakayuko (hindi nakatindig) ang taong naglalagay ng abono. Kailangang malapit ang kamay sa tanim na mais upang mailagay ang rekomendadong dami at may tamang distansya sa bawat puno.
  • May dinesenyo akong pangtabon ng pataba para hindi mabagal ang paglagay nito. Kailangang hatakin lang.
  • Kapag nakasibol na ang butil, maglagay ng unang sidedress (12 days after planting) at pangalawang sidedress (25 days after planting).
  • Kung mahina ang tubo ng halaman – kung sobra ang init o ulan – maglagay ng foliar na pataba, organiko o inorganiko. Nagsasagawa muna kami ng demo upang makita ang epekto, kung ang gastos ay makakabalik.
  • Maglagay ng patabang rekomendado ng Bureau of Soils. Kailangang basa ang lupa at hindi mainit, upang umepekto ang abono. Kung uulan, huwag munang mag-abono kasi mapupunta lang ito sa ilalim ng lupa o iaanod palayo sa halaman.
  • Matapos mag-abono, kailangang tabunan ito ng lupa (hilling up). Kung hindi ito matabunan, mapupunta lang sa hangin ang abonong inilagay.
  • Kailangang ipa-analyze muna ang lupa para ang gagamiting abono ay ayon sa kondisyon ng lupa at pangangailangan ng halaman.
  • Ina-apply ang chicken manure bilang basal bago magtanim. Kinokolekta ang chicken manure mula sa poultry, tinatambak sa isang lugar at tinatabunan ng carbonized rice hull upang hindi langawin at makontrol ang amoy. Makalipas ang 4-5 buwan, pwede na itong gamitin.
  • Upang mapabilis ang pagproseso ng chicken manure, takpan ito ng trapal. Ang init nito ang pupuksa sa mga organismong nasa chicken manure. Makalipas ang 45-60 araw, kung wala nang amoy, pwede nang gamitin. Kung may amoy pa rin, basain at tabunan ulit ng trapal.

Pest management

  • Corn borer ang number one pest ng mais. Pwedeng 95% ng harvest ay totally lost kung tamaan ng corn borer.
  • Nagtatanim ako ng hybrid corn na protektado na corn borer at sa spray (glyphosate). Mamamatay ang damo pero hindi mamamatay ang mais.
  • Mero tayong mangilan-ngilang insekto tulad ng waya-waya at fall armyworm. Mahalagang mamonitor agad kung may infestation. Kailangang ma-spray agad. May mga insecticides na madaling hanapin, madaling mabili, hindi naman gaanong kamahalan, at very effective.
  • Every week, hindi lang tinitingnan ang tabi ng maisan. Dapat ang pinaka-gitna, sa bawat linggo, tinitingnan kung may senyales na may insekto. Kailangang preventive, nag-uumpisa pa lang. Huwag hintaying masira ang halaman, kasi mahirap nang maka-recover kapag tinamaan na yan.

Harvesting

  • Sa manual harvesting, very costly. Maghahakot, magsi-sheller. Sa mechanical harvesting, mas madali at menos gastos. Meron akong harvester kasi sa ngayon, pahirapan na sa labor. Obligado na akong mag-shift sa mechanization.
  • Upang maiwasan ang shrinkage ng mais, dapat nasa 115-120 days ang mais kung aanihin. Tinitingnan ang kernel, kapag may itim na, ibig sabihin mature na. Pero sa number of days ako nakabase. Mas gusto kong anihin itong tuyo na, mas madali sa harvester, mas madaling i-shred o i-shell. Ang mais na tinatanim ko ay para sa animal feed production.

Facilities

  • May bodega ako, solar dryer, mechanical dryer, at harvester para mas mapadali.
  • Kailangang may bodega na walang mga daga, hindi pinapasok ng ulan, at malinis upang hindi magkaroon ng bukbok.
  • Sa panahon ng anihan, bumababa ang presyo ng mais. Kapag maraming mais, bagsak ang presyo. Hindi muna ako sumasabay sa presyong mababa, iniimbak ko muna. Magbebenta ako kapag hindi na panahon ng anihan.
  • Yung ibang mais na para sa poultry, iniimbak ko. May sarili kaming feedmill. Kami na ang nagpoproseso ng mais sa tulong ng nutritionists upang maka-produce ng magandang feeds for hogs and poultry.
  • Ang pagtanim ng mais ay dalawang beses lang sa isang taon. Kaya lang mag-imbak sa loob ng anim na buwan. Kapag anihan na ulit, kailangang mailabas ang mais na nakaimbak. Yun ang praktis namin, anim na buwan lang ang pag-imbak ng mais.

Story by: