Chill Lang, It’s Chili!

Sunday, July 2, 2023 - 16:25


Mapula, berde, mahaba, maliit, magkakaiba ang luto, at MAANGHANG! Ang pagkain ng Sili (Capsicum fructescens) ay nagpapakita ng pagiging-ORAGON o magaling ng isang Bicolano – walang inuurungan kahit ang maanghang na pagkain tulad ng Laing, Kinunot, at Bicol Express. Hindi lang Bicolano kundi maraming Pilipino ang mahilig kumain ng Sili.

Dahil may sapat na suplay ng Sili sa Bicol, nagdesisyon si Angelica na gawin itong mapagkukunan ng kita.

porto1 edited.jpg

Si Angelica “Angie” Sarsalejo Porto ng Tigaon, Camarines Sur ay panganay sa anim na magkakapatid. Ang kanyang Mama Ann ay isang maybahay, at ang kanyang Papa Sandy ay isang welder.

Bilang panganay na anak, inako ni Angie, 23 taong gulang, ang responsibilidad na tulungan ang kanyang mga magulang sa araw-araw na pagtustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Tulung-tulong na sinimulan ng buong pamilya Porto ang kanilang munting negosyo noong kasagsagan ng pandemya. Dahil marami silang tanim na Sili sa likod-bahay, naisipan ni Angie na iproseso ito sa kanilang kusina. Ngayon, ang Porto Kitchen ay tinatangkilik na sa buong bansa.

Si Mama Ann, ang mapagmahal na tagaluto ng pamilya Porto, ang gumagawa ng malinamnam na Chili Garlic Oil. Wika ni Angie, “Si Mama ang tunay na mukha ng Porto Kitchen.” Kitang-kita sa mga mata ni Mama Ann ang pagpapasalamat at kasiyahan.

Mula sa ₱300 na kanyang naipon, nakagawa ang mag-anak ng 12 botilya ng Chili Garlic Oil na inilagay sa garapon ng peanut butter. Dahil sa pandemya, mahirap ang buhay at pinagbabawalang lumabas ang mga tao. Mga kapitbahay ang unang customer ni Angie. Hindi raw naubos ang paninda at nalugi pa sila dahil ang ibang produkto ay inutang at hindi na nabayaran.

Taong 2022 nang natapos ni Angie ang kursong Bachelor of Science in Agriculture Major in Agricultural Economics sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) sa Pili, Camarines Sur. Binigyan sya ng pagkilala ng CBSUA bilang gradweyt na Best in Enterprise Induction kung saan ginawa nyang thesis ang munting negosyo ng pamilya.

Bagama’t hindi agrikultura ang first choice ni Angie bilang kurso sa kolehiyo, isinapuso nya ito. Sabi nya, “Parang dinadala talaga ako ng tadhana sa agriculture course na naging dahilan kung ano ako ngayon.” May asignatura sya sa isang klase kung saan kailangang gumawa ng Business Plan. Dahil nasimulan na ng pamilya Porto ng Chili Garlic Oil, iyon na ang ginawang thesis ni Angie.

Bago grumadweyt sa kolehiyo si Angie, naitayo nya ang bandera ng Porto Kitchen sa Young Farmers Challenge ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA). Naiuwi nya ang ₱50,000 sa Provincial Level, at ₱150,000 sa Regional Level. Ang kabuuang ₱200,000 napanalunan ay ginawa nyang puhunan sa pagpalago ng negosyo. Nagdagdag sila ng mga produkto, mga kagamitan, at sangkap sa pagluto.

porto YFC.jpg

Nais ni Angie na gawing moderno ang pasilidad sa pagproseso ng kanilang produkto, sa tulong ng pamahalaan. Ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) ay nais magbigay ng asistensya, samantalang ang Bureau of Foods and Drugs Administration (BFAD) naman ang sa akreditasyon. Ang Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) ay tumutulong upang mapaganda ang product packaging at logo ng Porto Kitchen.

Samantala, sinuportahan ng DA-Agricultural Training Institute ang Porto Kitchen sa pagsali nito sa Buy Local Bazaar ng PLDT at Smart.  Gamit ang social media accounts at online shops kabilang ang Facebook, Tiktok, Shopee, at Lazada, malawak na ang nararating ng Porto Kitchen. Sa ngayon, meron na itong mga resellers: 21 sa Bicol, lima sa Metro Manila, dalawa sa Visayas, at dalawa rin sa Mindanao.

porto bazaar.JPG

Ang simpleng Chili Garlic Oil ay marami nang variants – ang Mild at Extra Hot; Regular at Spicy Crunchy Garlic Bits; Regular at Spicy Chicken Pastil; Plain, Pork, at Chicken Chili Garlic Bagoong; at Bottled Spices tulad ng Chili Flakes at Powder, Korean Chili Flakes at Powder, at Garlic Powder. Pinakamabenta ang Chili Garlic Oil at Chili Garlic Bagoong. Humigit-kumulang 500 na botelya ang kanilang naibebenta kada buwan.

Kinikilala ni Angie ang suporta ng Tigaon Local Government Unit, partikular ang Municipal Agriculture Office, at ang 4-H Club bilang nagpatatag ng kanyang karakter. Nililinang ng 4-H Club ang Head, Heart, Hands, Health. Pinatibay nito ang kanyang lakas ng loob at kasanayang makipag-talastasan tungkol sa iba’t ibang larangan dahil sa mga Outreach Programs tuwing Disyembre at mga patimpalak.

Para kay Angie, nagpapasalamat syang sa murang edad ay nasimulan nya ang negosyo. Pangarap nyang mabigyan ang kanyang pamilya ng sariling bahay, dahil hind isa kanila ang loteng kinatitirikan ng kanilang bahay.

Wika ni Angie, “Ang aking negosyo ay isa lang sa aking mga sideline. Kailangan ko pa rin ang mas stable job.” Sa simula pa ng kanilang negosyo, dumaan na ang pamilya Porto sa pagkalugi. Marami pang dagok ang pwedeng kaharapin ng kanyang negosyo. Sa kabila nito, chill lang si Angie bagama’t determinado syang patibayin ang pundasyon ng kanyang negosyo at pamilya.

porto2.jpg

porto chili1.JPG

porto chili2.JPG

“Kung may gusto kang gawin o kung may ideya kang naisip ngayon, NOW is the right time para gawin mo iyon.” Ito ang payo ni Angie sa lahat ng kabataan na nais sumulong sa agrikultura o pagproseso ng agri-products.

Sa pag-asenso ng Porto Kitchen, napatunayan ni Angie na kahit bata pa, kayang makipagsabayan ng isang taong may determinasyon, kakayahan, at nakikipag-tulungan. Ang kabataan ay pagkakataong tumuklas, magkamali, at matuto.

Sa kanyang murang edad, makikita sa mga mata ni Angie ang determinasyon at pag-asa na isang araw, magbubunga ang lahat nyang pagsisikap. Nagsimula sa isang maanghang na pangarap, mararating ang tagumpay na nalalasap.


Story by: