Bigas. Bulkan. Bagyo.
“Ang palay ay isang uri ng damo,” ani Lindy Grace Ala, ang tagapangasiwa ng Good Grass, bilang tugon sa tanong kung ano ang kahulugan ng pangalan ng kanilang palayan, Good Grass. “At hindi lang basta-basta damo. Mabuting uri ito ng damo. Dito nanggagaling ang bigas.”
Ayon kay Lindy, ang kanilang halos sampung ektaryang sakahan na matatagpuan sa Barangay Pawa, Lungsod ng Legazpi, ay minana pa ng kanyang lolo mula sa mga magulang niya.
Dalawang dekada na ang nakalipas mula nang iparenta nila ang lupa sa mga magsasakang walang sariling sakahan ng palay ang kapatagang nasa pagitan ng tanyag na Ligñon Hill at ng Bulkang Mayon.
Taong 2006, tumama ang isa sa pinakamabagsik na bagyo sa Bicol, ang Bagyong Reming. Ang lalawigan ng Albay ay sinalanta hindi lamang ng malalakas na hangin at ulan, kundi pati na rin ng lahar mula sa dalisdis ng Bulkang Mayon. Isa ang Good Grass sa mga matinding naapektuhan.
“Matapos ang Bagyong Reming, nag-rehabilitate kami,” ani Lindy. “Doon napagdesisyunan ng pamilya na hindi na ipaparenta ang lupa. Ang pamilya na ang mag-aasikaso ng sakahan. Mula 2006 hanggang ngayon, kami na ang nangangasiwa sa agricultural land.”

Pagbangon at Pagbabago
Sa muling pagbangon ng Good Grass, isinama nila ang pagbabagong anyo at serbisyo. Mula sa pagtatanim ng palay, nagsimula silang magparami ng binhi. Natutunan nila ang produksyon ng mataas na kalidad na binhi at maging tagapagbigay ng inbred rice varieties na ginagamit ng mga lokal na magsasaka. Bago pa man tawaging Good Grass, kilala sila bilang V. Ala Palay Seed Grower and Distributor.
Noong 2019, lumipat sila sa organikong pagsasaka. Wala nang patak ng sintetikong pataba o pamatay peste at damo sa kanilang mga tanim.
“Sa katunayan, kami lang ang na-certify na organic farm ng Organic Certification Center of the Philippines (OCCP) sa buong Bicol,” ani Lindy. “Na-extend pa nga ang aming sertipikasyon ng isang taon.”
Dahil sa sertipikasyon, lumakas ang bentahan ng kanilang mga produkto tulad ng brown rice, black rice, red rice, at iba pang gulay. Ang kanilang pagsasaka ay naging modelo para sa sustainable at environment-friendly na pamamaraan.


Pagiging Learning Site of Agriculture at Paaralan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund
Noong 2020, nag-apply ang Good Grass upang maging Learning Site for Agriculture (LSA) ng Agricultural Training Institute (ATI) sa Bicol Region. Dahil sa pangangailangan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa mga learning site, iminungkahi ng ATI na maging RCEF LSA sila. Malugod nilang tinanggap ang hamon.
Kalaunan, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nag-akredit ng mga paaralan sa sakahan upang maipalaganap ang kaalaman sa mga magsasaka. Dahil pangunahing pamantayan ang pagiging LSA, napili ng TESDA ang Good Grass bilang isa sa mga unang RCEF LSA sa Albay. Isinagawa ng Good Grass ang mga Farmer Field School (FFS) on Production of High-Quality Inbred Rice, Seed Certification, and Farm Mechanization.
“Mula 2021 hanggang ngayon, umabot na sa 34 batches o halos 650 estudyante ang naturuan namin sa ilalim ng Farmer Field School,” ani Lindy.
Makabagong Makinarya at Serbisyo
Malaki ang naging ambag ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Good Grass, kabilang ang Department of Agriculture-Regional Field Office 5 (DA-RFO5), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na nagbigay ng makinaryang ginagamit sa pagsasanay. Kontribusyon ng Good Grass ang pagpapagawa ng shed at regular na pagmantini ng mga makinaryang ito.
Bukod dito, may flatbed dryer at seed cleaner ang Good Grass — mga kagamitan na sila lamang ang mayroon sa buong probinsya. Ang flatbed dryer ay kayang magpatuyo ng anim na toneladang palay sa isang salang, na napakalaking tulong lalo na tuwing tag-ulan.
“Kapag basa ang palay, hindi na ito nabebenta sa tamang presyo at binabarat na lang ng mga traders. Pero dahil sa flatbed dryer, nagagawa naming mapanatili ang kalidad ng palay ng mga magsasaka,” paliwanag ni Lindy.
Ang Good Grass din ay bumibili ng palay mula sa mga magsasaka sa mas mataas na halaga kaysa sa regular na presyong iniaalok ng mga negosyanteng nagpapautang.
“Dinadagdagan namin ang presyo ng pagbili ng palay ng hanggang piso kada kilo. Para sa iba, maliit ito, pero sa mga magsasaka, malaki ang maitutulong nito, lalo na kung wala silang ibang mapagkukunan,” ani Lindy. “Kami pa mismo ang kumukuha sa kanila ng palay para hindi na nila kailangang magbiyahe.”
Inspirasyon At Hamon
Ang isa sa mga pinakamalaking inspirasyon ng Good Grass ay ang mga may-edad na magsasaka na naging bahagi ng kanilang programa. Ayon kay Lindy, karamihan sa kanilang mga estudyante ay nasa edad 50 pataas, at ang isa pa nga sa mga ito ay 81 taong gulang na.
“May estudyante ako na 81 taong gulang, at kahit ganoon na ang edad niya, hindi niya hinayaang maging hadlang iyon sa kanyang pagkatuto,” ani Lindy. “Sinasabi ko lagi sa kanila, hindi hadlang ang edad para matuto.”
Bagamat malaking hamon ang hikayatin ang kabataan na sumabak sa agrikultura, nakakakita pa rin sila ng dedikasyon mula sa mga may-edad na magsasaka. Karamihan sa kanila ay nag-aalinlangan noong una, lalo na sa paggamit ng makabagong teknolohiya, ngunit kalaunan ay natututo at nasisiyahan sa mga bagong kaalaman.
“Nakakatuwa pong makita na kahit may edad na sila, sinisikap pa rin nilang matuto ng mga bagong pamamaraan sa pagsasaka. At kapag nakita nila ang resulta, tulad ng mas mataas na ani o mas mababang gastos, iyon ang nagbibigay sa kanila ng saya at kasiguruhan,” dagdag pa ni Lindy.
Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang pangarap ng Good Grass na maging bahagi ng solusyon sa mga problemang pang-agrikultura. Sa kanilang pananaw, ang lahat ng kaalaman ay dapat maipamahagi at maisabuhay nang may mabuting resulta—kahit maliit, basta makabuluhan.
“Sa Good Grass, hindi lang namin ninanais na maging mabuti. May kalidad din dapat,” pagtatapos ni Lindy.



Story by: