Poor man’s cow kung tawagin ang kambing. Mas abot-kaya ito ng karaniwang magsasaka. Sa kabila nito, laganap pa rin ang kakulangan sa kaalaman tungkol sa tamang pangangalaga sa small ruminant na ito, dahilan kung bakit maliit na porsiyento lang ng mga magsasaka ang kumikita sa goat farming.
Kaya naman isang malaking hakbang tungo sa pag-unlad ng pagkakambing ang pag-organisa ng Goat Raisers Association of Camarines Sur (GRACS) noong 2017. Nangyari ito matapos ang pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture-Regional Field Office (DA-RFO) at DA-Agricultural Training Institute (DA-ATI).
“Kami po sa GRACS ay produkto ng training ng DA at ATI. Pagkatapos ng training namin sa goat farming, nag-isip kaming mag-organize bilang asosasyon,” pahayag ni Roy Nelson Layosa, Pangulo ng GRACS. Sa ngayon, sila ay may 52 miyembro.
“Nang na-organize kami, palagi kaming nai-invite ng ATI. Mas naging madali ang aming pakikipag-ugnayan sa ATI. Pagka merong mga pagsasanay tungkol sa pagkakambing, kami ang unang tinatawagan ng ATI.” Dagdag ni Roy, “Maraming training ang nadaluhan ng aming grupo. Kami po ang unang-unang batch ng Farmer Livestock School on Goat Enterprise Management (FLS-GEM).”



Ang FLS-GEM ay season-long training na tumatagal ng halos kalahating taon. Sa loob ng kalahating araw linggo-linggo, inaaral ng mga magsasaka ang mga teknolohiya mula produksyon hanggang pagproseso. Kabilang dito ang paggawa ng silage na pakain sa mga kambing at urea-molasses mineral block (UMMB) bilang feed supplement, pagkilala sa mga sakit ng kambing, hoof trimming at disbudding upang naka-ankla sa siyensya ang pagpapalaki ng popular ngunit ‘ini-small’ na hayop na ito.
Tamang Simula
Lahat na orihinal na miyembro ng GRACS ay nagtapos ng FLS-GEM, ayon kay Roy. “Ang kagandahan po ng mga pagsasanay na ganito, maliban sa mga natutunan namin sa training, nabigyan po kami ng ATI ng starter kit. After the training, nabigyan kami ng purebred bucks (lalaking kambing) na syang ginagamit ng grupo para ma-upgrade ang aming stocks. Ang pinaka-unang binigay ay Anglo Nubian, ang pangalawa ay Lamancha.”
Dahil sa pag-upgrade ng kanyang stocks, si Santiago ‘Agoy’ Florida ay nagbebenta ng kambing na may lahi sa mas mataas na halaga. “Malaking pagkakaiba sa native kasi seven months lang na alagaan mo, pwede mo nang ibenta. Thirty kilos na, quality pa ang meat kasi bata pa nga, malambot pa, talagang pwede mong presyuhan sa mga naghahanap. Ang running price ngayon ay P200-P250 (per kilo), dati ‘pag native P100-P120.”

Simula 2012, nag-alaga ng kambing si Agoy upang makontrol ang pagtubo ng damo sa kanyang sakahan. “Nagsimula ako sa native, kulang ang kaalaman sa proper care and management kaya hindi nakapagtatakang namamatayan ng alaga. Nagkaroon ng FLS-GEM. ‘Pag nandun sa farm, ang natutunan ay ina-apply. Matagal ang naging training pero malaki ang tulong dun sa aking farm. Hindi naman daw umiinom ang kambing pero sa training nalaman kong kailangang uminom, lagyan ng molasses at kaunting asin sa tubig, dagdag mineral yun.”
Ibinabahagi ni Agoy sa mga kapwa magsasaka ang kanyang mga natutunan. “Dahil meron akong buck, ini-encourage ko sila na upgraded na ang alagaan. Libre na, kahit walang bayad.”

Si Mamerto Santiago ‘Santi’ Balang, isa sa mga orihinal na miyembro ng GRACS, ay nag-aalaga ng purebred buck na pagmamay-ari ng Goat Raisers Association of Pili – isa sa mga organisasyon na nagmula sa GRACS. Malaking diskwento ang binibigay niya sa kapwa miyembro na magpapalahi ng kambing, at ang mas malaking bahagi ng bayad para sa buck service ay napupunta sa asosasyon.
Naibebenta ni Santi ang kanyang upgraded stocks sa liveweight price nito na mas mataas kesa sa natural na kambing. Ang galing ni Santi sa pag-alaga ng kambing ay kinilala na ng Local Government Unit (LGU) ng Pili nang naging awardee sya nito lang na taon sa larangan ng pag-aalaga ng livestock.
Sabayang Pagkilos
Nais ng pamunuan ng GRACS na makabuo ng Goat Raisers Association sa bawat munisipyo ng Camarines Sur. Sa ganitong paraan, may malaking tungkulin ang mga magsasakang tulad ni Agoy at Santi sa pagtupad ng layunin ng GRACS sa kani-kanilang bayan.
Mas madali ang koordinasyon kapag organisado ang mga magsasaka. Paliwanag ni Roy, “Hinihikayat namin ang pagbuo ng municipal associations. Karamihan ng aming members ay kalat dito sa buong probinsya, mahihirapan sila kung may meeting at seminar kasi malalayo. Pero kung may mga asosasyon sa kani-kanilang munisipyo, mag-attend na lang ang mga representante nila.
Dahil ang mga miyembro ng asosasyon ay sumasailalim sa mga pagsasanay tungkol sa pag-alaga ng kambing, prayoridad silang mabigyan ng mga interbensyon mula sa pamahalaan. Ani Roy, “Malaki ang bentahe ‘pag organisado. Ang Kagawaran ng Pagsasaka ay pinipiling magbigay ng asistensya sa mga associations, mga organized groups. Bihira na po ang pagbigay ng asistensya sa individual farmers.”
Bukod dito, ang mga miyembro ng organisasyon ay maaaring magpalitan ng bucks para maiwasan ang inbreeding at mapanatili ang tuloy-tuloy na pag-upgrade ng stocks. Paliwanag ni Agoy, sa GRACS “tuloy-tuloy ang sharing of experiences and resources, at the same time sama-sama sa paglapit sa relevant government agencies para matulungang ma-develop ang goat industry. At the same time, credible tayo na mag-access (ng tulong mula sa pamahalaan), hindi tulad noon na may naka-avail kahit wala man lang training naatendan.”
Bago mag-pandemic, ang mga pagpupulong ng GRACS ay ginagawa sa iba’t ibang sakahan na pagmamay-ari ng mga miyembro, kung saan isinasagawa nila ang mga natutunan sa mga pagsasanay. Paglalahad ni Roy, “We usually conduct mobile meetings. ‘Pag dun ang meeting namin sa farm ng isang member, hihikayatin nya ang mga neighbors na merong mga kambing. Magre-request kami ng mga gamot sa DA, tapos kami ang mag-deworm, kami ang mag-inject sa mga farm animals, kasi ‘pag hindi namin na-practice ang aming mga natutunan, makakalimutan namin yun.”
Upang mapalakas ang organisasyon, nagparehistro ang GRACS sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong 2018. Kasalukuyang nasa proseso ang akreditasyon ng DA sa GRACS bilang Civil Society Organization (CSO. Pahayag ni Roy, “Misyon namin na maging advocacy group. Gumawa kami ng letter of intent upang maging miyembro ng Provincial Agriculture and Fishery Council (PAFC) Camarines Sur. Kasi paniniwala po namin na dun pinag-uusapan ang mga programa at polisiya para sa pagsasaka. Naging active member po ako ng PAFC. Hanggang ngayon ay Secretary po ako ng PAFC at miyembro ng Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC) Speakers’ Bureau.”
Kasapi ang GRACS sa Federation of Goat and Sheep Producers Association of the Philippines na pinamumunuan ni Dr. Boying Llorin, ang mentor at inspirasyon ng grupo.



Simpleng Pagsasaka
Nagtapos ng animal husbandry, aminado si Roy na mas natutunan nya ang pag-aalaga ng kambing nang nagkaroon na sya ng mga alagaing hayop. ‘Munting farm’ ang pakilala ni Roy sa kanyang lugar sa Iriga City, na tinawag niyang GRACE Hub hango sa pangalan ng kanyang maybahay na si Grace. “Nangangarap ako na maging Learning Site ito someday. GRACE stands for Goat, Rabbits, Arts, Cooperative Education.”
Nagsimula sa apat na kambing lamang, ang kanyang likod-bahay ay tila tahimik na komunidad ng mga alagang hayop. Makikita rito ang anim na bahay ng kambing at mga upgraded stocks – dalawang bucks, at mahigit 10 does (babaeng kambing) at bucklings (batang kambing na lalaki) na may lugar kung saan pwedeng sila pumirmi kapag maganda ang panahon.
‘Cut and carry’ ang isinasagawa nyang pagpapakain sa mga kambing – ibig sabihin, kinukuha ang mga pakain na damo at dahon mula sa kalapit na taniman. Bilang dagdag na pagkain, binibigyan rin ni Roy ng darak ang mga kambing. Ang inuming tubig ay hinahaluan ng molassses.
Ang improvised salt lick ay gawa sa kawayan na may maliit na hiwang pahalang kung saan paunti-unting lumalabas ang asin. Ito ay dinidilaan ng mga kambing. “Dahil maalat, inom lang nang inom ng tubig ang kambing. Pag maraming iniinom na tubig, mas maganda ang circulation ng kanyang dugo,” paliwanag ni Roy.
Regular niyang isinasagawa ang pagpupurga at paglinis sa ilalim ng bahay ng kambing, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ang nakokolektang dumi ay hinahalo sa mga nabubulok na dahon. Kapag bulok na, nilalagay ito sa ilalim ng mga tanim bilang natural na pataba.
Paano kung tagtuyot? May angkop na istratehiya upang masiguro ang pagpakain sa kambing sa panahong ito.
Payo ni Roy, magtanim ng legumbre tuwing tagtuyot upang magsilbing pagkain ng mga kambing, dahil mas resistant ang legumbre sa tag-init. “May mga bagay na hindi wala sa atin ang kontrol, halimbawa ang bagyo, pero kung maayos ang ‘yung care and management, hindi masyadong maapektahan ng mga kalamidad.”


Makataong Kambingan
Farmer-friendly at gender-sensitive ang pag-kakambing. Mas mababa ang kapital na kinakailangan upang makabili ng kambing. Bukod dito, ang pag-alaga nito ay maaaring isagawa kahit ng kababaihan at mga bata.
Magaan din ito sa bulsa ng magsasaka dahil hindi kailangang bumili ng mamahaling feeds. Ayon kay Roy, “Kung meron ka lang lugar kung saan pwede gumala ang kambing, mabubuhay na sila sa pagkaing damo.”
Napatunayan ni Roy ang tulong ng pagkakambing upang madagdagan ang kita ng pamilya. Pahayag niya, “May isa akong kambing na nagbibigay ng 1.8 liters of milk per day. Pagka magandang klase ang kambing mo, you can even produce 2 liters of milk per day for 160 days.
Ang masustansyang gatas ng kambing ay kailangan para sa magandang kalusugan ng mga batang Pilipino. “Kung seryoso ang pamahalaan na mabigyan ang mga bata ng gatas sa feeding programs, aming panawagan sa mga LGUs na mabigyan ang bawat family ng gatasang kambing. One milking goat could supply the requirement of a family. Hindi ka man magbenta ng gatas, at least hindi ka na bibili ng gatas.”
Sa usaping gatas, ang kambing ay maaaring magbigay ng 1-2 liters of milk per day. Ang bawat lito ay nabibili sa halagang P200 per liter.
Samantala, ang eight-month-old buck ay nabibili P15,000-P20,000 per head at ang kakawalay pa lang na five= month-old ay P7,000-P8,000 per head.


Umaasensong Pagtutulungan
Taliwas sa karaniwang paniniwala na mahirap ibenta ang kambing, may kustomer ang GRACS na regular naghahanap ng kambing, ayon kay Roy. “Actually, marami ang naghahanap ng kambing, kulang ang stocks natin. Ang ating mga Muslim brothers, hindi sila kumakain ng pork. ‘Pag may mga okasyon sila, nagtatanong sa akin kung pwede mag-supply ng ganitong number of heads. Kinukulang kami.”
Dahil dito, inaasahan nila ang proyektong Goat Multiplier Farm na itatayo ng DA sa pakikipag-tulungan ng GRACS. Dito manggagaling ang mga purebred and upgraded stocks for dispersal. Dito rin paparamihin ang iba’t ibang tanim sa pakain para sa kambing.
Balang araw, nais ng GRACS na maging Learning Site for Agriculture (LSA) ang Goat Multiplier Farm, upang makita ng mga interesadong magsasaka ang tamang paraan ng pag-alaga ng kambing.
Story by: