
Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyong Bicol ang kauna-unahang Search for High-Value Crops Achievers Award (HVCAA) sa buong bansa noong 2022. Si Engr. Rommel Nacario, hindi pa man isang dekadang kawani ng Pamahalaang Lokal ng Pili, Camarines Sur, ay napili bilang HVC awardee.
Muling niyang nasungkit ang HVCAA noong 2023, at gayundin nitong 2024.
Ito’y pambihira. Ngunit para sa lokal na pamahalaan ng Bayan ng Pili, ang kabisera ng Camarines Sur, naging gawi na ang huwarang implementasyon ng High-Value Crops Development Program (HVCDP).
Ang high-value crops ay anim na porsyento ng kabuuang 8,000 ektaryang taniman sa Pili na dinodomina ng palay, mais at tubo. Sa 500 ektaryang lupain pinaparami ang sari-saring gulay. Pangunahin dito ang talong, ampalaya, kalabasa, at sitaw. Malakas din ang produksyon ng pechay, okra, kamatis, snap beans, at lettuce.
Sa larangan ng produksyon ng prutas, ang karamihang itinatanim sa Pili ay pakwan, papaya, pinya, kalamansi at mangga. Marami ring tanim na mani. Sa root crops, hindi mawawala ng kamote, gabi, at ube.
Pilinut, cacao, kape, niyog at saging ang pangunahing plantation crops. Malawak din ang taniman ng malunggay, citronella, bamboo, at dragon fruit.
Hitik man sa bunga ang Pili, malaking hamon pa ring mapalakas ang pagsasaka at maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga magsasaka dito.

Misyon at Inobasyon
Bukod sa pagiging HVCDP Focal Person ng Pili, pinamumunuan din ni Rommel ang Gender and Development Office at Community Affairs Office. Naglingkod din sya sa Rice Program at Organic Agriculture Program.
Isang lisensyadong Agricultural and Biosystems Engineer at dating nagtrabaho sa Gawad Kalinga, isang non-government organization, malapit sa puso ni Rommel ang pagsasaka. “Passion ko talagang maglingkod sa mga mahihirap at sa mga magsasaka,” aniya.
Isa sa mga unang hakbang ni Rommel sa HVCDP ang pagsaayos ng datos at impormasyon tungkol sa mga magsasaka. Isinagawa ng Municipal Agriculture Office ang survey at geo-tagging upang malaman ang bilang ng mga magsasaka, ang lawak ng lupaing tinatamnan, at gaano karami ang produksyon sa bawat ektarya.
“Ginawa namin ito para makita kung talagang kumikita ba o nalulugi ang ating mga farmers,” pahayag ni Rommel. Ang mga impormasyong nakalap ay naging pundasyon ng mga inisyatibo tungo sa epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Nang nagsimula siya sa implementasyon ng HVCDP, ang pondo ng programa ay nasa PhP 200,000 lamang. Dahil sa masusing pagpaplano at suporta ng lokal na pamamahalaan sa pamumuno ni Alkalde Tom Bongalonta at OIC-Municipal Agriculturist Arvin Salvino gayundin ng Sangguniang Bayan, naitaas ang pondo sa PhP 1.5 milyon. Bukod sa pondo na galing sa mga regular na programa, nakakuha rin siya ng pondo galing sa ibang sangay ng pamahalaan at programang makakakutulong sa mga magsasaka. Kabilang ang pundong nakuha sa Gender and Development Fund ng LGU na 2.7 Million para sa ibat ibang proyekto katulad ng pagbili ng 4WD Tractor na nagbibigay serbisyo sa mga magsasaka, pinansyal na asistensya para sa mga asosasyon para makapagtaguyod ng negosyo at pundo sa pagsasanay sa makabagong makinarya.
Nakakuha rin ng 5 milyon mula sa Economic Development Fund para sa pagpapa lakas ng antas ng mekanisasyon ng High Value at Rice program. Dahil dito, mas maraming magsasaka ang nakatanggap ng mga benepisyo tulad ng mga binhi, makinarya, patubig at iba pang tulong.
Isang tagumpay ng HVCDP ang pagbubuo ng isang federation ng mga magsasaka na nakibahagi sa Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) program na proyekto ng Department of Agriculture. Ang mga kasaping asosasyon ng mga magsasaka’y nakatanggap ng hauling truck, kadiwa service vehicle, multi cultivator at iba pang mga makinarya at mga inputs tulad ng vegetable seeds, abono, at marami pang iba.
Sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Science and Technology (DOST) at Office of the Vice-President sa panahon ni VP Leni Robredo, nadagdagan pa ang tulong para sa mga magsasaka.
Hindi lamang produksyon ang kanilang pinagtutunan ng pansin, kundi pati na rin ang aspeto ng marketing at partnerships para ang kanilang mga ani’y mabilis na maidala sa pamilihan at maibenta sa wastong presyo at kalidad. Sa kasalukuyan, mabibili ang kanilang mga produkto sa Kadiwa store sa bayan at nagtatatag din sila ng Tienda sa MAgO para lumawak pa ang merkado.
Sa ilalim ng High Value Crops Enhancement Program, namahagi ang lokal na pamahalaan ng vegetable seeds, fertilizers, at planting materials tulad ng luya, mani at iba pa. Isinagawa rin ang Gulayan sa Barangay at Gulayan sa Paaralan, at namigay ng African Night Crawlers para sa organikong pagsasaka. Sa pagsagawa ng Nursery Development Project, nagkaroon ng sapat na pananim ng fruit-bearing trees tulad ng lemon, niyog, at cacao. Dahil dito, nasuportahan ang Cacao Processing Facility at Coconut Rehabilitation Project.
Hamon at Solusyon
Malaking hamon sa pagsasaka ang kawalan ng sapat na farm record-keeping. Maraming magsasaka ang hindi nagtatala ng datos tungkol sa pagtanim at pag-ani. Bilang tugon, naging istrikto ang lokal na pamahalaan sa pamimigay ng benepisyo. Tanging ang mga magsasakang may maayos na planting reports ang prayoridad na makakatanggap ng tulong. “Ayaw naming masayang ang resources, lalo na’t mahal ang vegetable seeds. Kailangang tiyakin na napapakinabangan ito nang tama,” paliwanag ni Engr. Nacario.
Upang mapalakas ang pamumuno sa mga asosasyon, nag-organisa si Engr. Nacario ng mga pagsasanay tungkol sa management, bookkeeping, at vegetable production. Sa interbensyon ng Agricultural Training Institute, naging co-implementer ng season-long training ang lokal na pamahalaan upang mapaigting ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka lalo sa makabagong teknolohiya.
Deklara ni Rommel, “Nakailang season-long training na kami sa vegetable production in partnership with the ATI. ‘Pag may mga season-long training, dito sa amin. Kaya halos 80% na ng aming farmers ang nakapagsanay na."

Tagumpay at Inspirasyon
Sa kabila ng mga pagsubok, natutulungang umunlad na kabuhayan ng mga magsasakang Pilinio. Isa sa mga nagbibigay-inspirasyon ang isang magsasakang nakapagpatayo ng sariling bahay mula sa kita niya. Kwento ni Engr. Nacario, "Dahil sa ganda ng harvest niya, nakapagpatayo siya ng bahay. So, magandang result na nakikita namin na hindi lang food for the table ang kanilang napu-produce, kundi mas nakakapagbigay sila ng income sa kanilang pamilya, nakapag-aral ng mga anak, and nakakapagpatayo ng kanilang mga bahay."
Ang pagkilalang natanggap ay hindi dahilan para kay Rommel upang sila’y maging kampante sa paghatid-serbisyo. Bagkus, mas pinapa-igting ng Lokal na Pamahalaan ng Pili ang pagserbisyo sa mga magsasakang kailangan maingat ang kalagayan – dahilan upang ang bayan ng Pili at napili at muli’t muling napili.
“Masaya kami sa aming trabaho dahil nakikita namin na may pagbabago. Gusto rin naming ipakita sa mga magsasaka na ang gobyerno ay nandito para sa kanila. At gusto naming iparamdam na hindi sila nag-iisa,” sabi ni Rommel.
Story by: