Si Melinda Yee at ang Leslie Pili

Thursday, June 30, 2022 - 14:50


Pili with Melinda Yee.jpg

Taong 2018, sa edad na 62, nag-retiro si Melinda Yee bilang Agriculturist II ng Sorsogon City. Nagsilbi syang Agricultural Extension Worker ng City Agriculture Office sa loob ng tatlumpo’t pitong (37) taon. Nagtapos ng BS Agriculture in Major in Agronomy sa Bicol University, nakita nya ang halaga ng mga pagsasanay.

“Several trainings ang na-attend ko. Nakita ko na malaki ang potential ng pili sa export market. Through trainings, several trainings tungkol sa pili, palagi akong present, so parang nakukuha ko lahat na technologies. Aside from that, yung experience ko.” Kaalaman at mga pagsasanay ang nagsilbing panimula ng Leslie Pili Products noong 1990.

“Actually, nag-start ako as a hobby. Luto-luto lang, parang nagka-interes ako as processor ng pili. So yun ang naging start ko. Pero nasa office ako. Then nagkataon na ako ang naging Municipal or City-wide High-Value Crop Coordinator,” bigkas ni Melinda Yee.

“Sabado at Linggo, nagluluto ako ng mga confectionaries. Iba-iba, gaya ng glazed. Then nagkataon na naipadala yun sa States. Tapos nag-order na sila. Masarap daw. Talagang na-inspire ako dahil sa trainings. Na-realize ko na malaki pala ang potential for export.”

Sa gabay ng mga kaalaman tungkol sa pili (Canarium ovatum), naiparehistro nya ang Leslie Pili Products sa Department of Trade and Industry (DTI) bilang single proprietorship noong 1995. Leslie ang pangalan ng kanyang bunsong anak.

Mga Produkto

Naging produkto ng Leslie ang iba’t ibang uri ng prinosesong pili –honey glazed, dehydrated, activated, roasted, mazapan, salted, hot chili, pastillas. “Activated o dehydrated ang medyo malaki ang demand sa amin. Niluluto yan, pina-process thru dehydrator, moisture lang ang naaalis pero ang nutrients nandyan pa rin. Compared to roasted o salted, kapag dinaan sa oven, nababawasan ang nutrients.”

Kinikilala bilang isang superfood, ang pili ay may taglay na kakaibang sustansya. Ito ay may omega fatty acids na mainam sa kalusugan ng puso, gayundin ang mga bitamina at mineral tulad ng magnesium, manganese, at Vitamin B1. Ang laki at hugis nito ay maihahalin-tulad sa almond, ngunit ang lasa nito ay malapit sa Brazil nut.

“Ang pili ay talagang may antioxidant properties. Ang nuts and oil ay may antioxidant properties. May vitamin E, vitamin A, phosphorus, potassium. Marami po ang mga nutrients na nakukuha natin sa pili,” pahayag ni Ginang Yee.

Bukod sa mga lutong pagkain mula sa pili, gumagawa na rin ang Leslie ng tatlong klaseng pili oil – ang pulp oil, kernel oil, at elemi oil. Ang Leslie ay pioneer sa pagproseso ng pili pulp at kernel oils.

“Ang pili pulp oil ay galing sa fresh pili drupe, yung prutas. Ang pili kernel oil ay galing sa nuts, we extract the oil. Ang elemi oil ay galing sa resin,” bigkas ni Ginang Yee.

“We consider the pili as tree of hope. Zero waste tayo sa pili, wala po tayong tapon. Even the exocarp, yung balat ng drupe – may gamit po yan. Yung shell meron po. Yung pulp ginagamit sa pag-process ng oil. Ang shell ginagawang mga abubot.”

Mahahalagang Langis

Gumagawa ang Leslie Pili Products ng pili pulp oil para sa personal care use – pantanggal ng makeup, pangkontrol sa paglagas ng buhok, ginagamit rin bilang massage oil. Gumagawa rin sila ng food grade pili pulp oil at pili kernel oil na maaaring gamitin sa paggawa ng salad, cakes, at cookies.

Samantala, ang elemi oil ay nanggagaling sa resin o katas ng puno ng pili. Upang maging sustenable ang produksyon ng elemi oil, itinuturo ng Leslie Pili Products ang tamang pagkuha ng resin o resin tapping. “Kasi kung basta-basta lang gagamitan ng itak, mamamatay ang puno. Nagpapa-training kami ng right process of resin tapping. Kaya meron tayong resin, still namumunga pa ang pili.”

Napakahalagang maalagaan ang mga puno ng pili. Ito ay kabilang sa Burseraceae, ang “incense tree family” kung saan nanggagaling ang frankincense (Boswellia) at myrrh (Commiphora). Ang raw resin ng pili ay may bangong taglay, kaya ginagamit rin itong air freshener.

Kapag naproseso at ginawang elemi oil, ito ay ginagamit sa paggawa ng pabango, sabon, hair conditioner, at shampoo. Ang mga malalaking kompanya sa cosmetics tulad ng Chanel ay gumagamit ng elemi oil. Ang elemi oil mula sa Pilipinas ay binibili ng iba’t ibang bansa tulad ng France para sa kanilang perfume industry.

Mga Dokumento

Bago naantala ng pandemyang dulot ng Covid-19, malakas ang pakikipagkalakaran ng Leslie sa mga kustomer nila sa ibang bansa. “Meron kaming markets sa Australia, New York, Boston Singapore, Sweden, Switzerland.”

Upang makapasa sa mga hinihinging sertipikasyon, iba’t ibang ahensya ang nilapitan ng Leslie. Bukod sa pahintulot mula sa DTI na magnegosyo bilang single proprietorship, obligado rin ang Leslie na kumuha ng License to Operate mula sa Food and Drugs Administration (FDA). “Maraming agencies tumutulong sa amin – ang DTI sa registration ng business name, sa Halal certification, at shared service facility (SSF) para sa grupo.

“Several analyses, maraming parameters o requirements sa pili ang dapat i-comply sa FDA,” ani Ginang Yee. Tumutulong rin ang Department of Agriculture sa pag-subsidize ng pagpa-analyze sa FDA. “Sa pili may 10 parameters, more or less ang babayaran ay aabot sa P90,000. Ang DA ay nag-subsidize sa certification ng organic. Ang DOST ay tumutulong sa training, pagpa-analyze. TESDA training pa rin, as well as ATI. Ang LGU tumutulong din.”

Bukod dito, dahil sila ay nagbebenta sa labas ng bansa, kumuha rin ang Leslie ng kaukulang permit mula sa DTI-Export Marketing Bureau. “Marami ding nagta-tap sa amin. Ang DTI Switzerland Attaché ay nag-tap sa amin para sa supply ng activated or dehydrated pili nuts na organically produced. Target nila organic certified.”

Makatarungang Pagnenegosyo

Nagmamay-ari ang pamilya Yee ng 8.5 ektaryang pili farm na may 1,800 matatandang puno ng pili, at 4 na ektaryang extension farm na may 1,300 asexually propagated pili – grafted at inarched. “Three to five years namumunga na ang asexually propagated. Dyan kami kumukuha ng raw materials namin that is certified organic.”

Kumuhuha rin sila ng raw materials mula sa siguradong pagkukunan. “May mga farms kaming pinagkukunan na organic farming practitioners, members ng SPOFA (Sorsogon Provincial Organic Farmers Association).”

Pinipili nilang mabuti ang ginagamit na pili nut, at hindi gumamit ng nabubulok na pili. “Ang hindi pa matured na pili drupe ay nagbibigay ng bulok na lagting o pili with shell. I usually buy pili drupe, so we are sure na ang kernel ay may magandang quality.”

Ang pili resin ay nanggagaling naman sa iba’t ibang bahagi ng Sorsogon City at Albay. Ang pinagkukunan nila ay tinuruan din ng tamang pagkuha ng pili resin upang masigurong hindi masisira ang puno ng pili.

“Sa community, ‘pag nagka-conduct ng training as a Resource Speaker, binibigay ko lahat na technology, gaya ng elemi oil at pili pulp oil extraction. Kung kinukuha ako as Resource Speaker, ibinibigay ko lahat na technology, walang sekreto.

“‘Pag may order sa aming malaki, yung workers sa farms na nasa baba ng processing area namin, hina-hire ko. Nagpapa-training kami sa oil extraction, karamihan mga babae. Dito kasi sa amin, may mga makina na, gumagamit kami ng mga makina. Pero nagha-hire pa rin ako ng gagawa ng manual extraction kasi kahit babae pwede mag-extract ng oil. Hina-hire ko pa rin sila.”

Kabuhayan at Kasiyahan

Ang negosyo ay nagbigay sa kanyang pamilya ng ibayong tulong, paglalahad ni Ginang Yee. Ito halos ang nagpa-aral sa apat nyang mga anak. “Yung isa Electronics Computer Engineer, ang pangalawa Civil Engineer, ang pangatlo Electrical. Ang youngest, si Leslie – nakapangalan sa kanya ang kompanya – licensed MedTech at sa ngayon waiting for result sa medicine,” pagsasaad ni Ginang Yee na may halong galak at emosyon.

Subalit mabilis nyang dinagdag na kailangan ang pagti-tiyaga. “Two years, three years nasa pandemic na tayo, walang pumapasok na orders outside the Philippines. Kaya yun ang naging problema namin. Sa local meron din, pero konti kumpara sa orders mula sa labas ng Pilipinas.”

Naging instrumento ang Leslie Pili Products upang mas marami pang tao ang matulungan. “Dati, tinatapon lang ang balat. Naging pioneer ang Leslie sa pili pulp oil extraction. Sabi ko nga kung nagpapa-training, sa basura malaki ang pera pala, kaya wag na nyong itapon ang pulp. Extract the pulp oil, then may pera kayo, nakakatulong pa sa environment.”

Ano ang sekreto ng kanyang pagtagumpay sa makumpetensyang larangan na ito? Pinapahalagan nya ang mga kontribusyon ng pili sa bansa – ang pagbigay ng pagkain, kalusugan, kabuhayan, at kasiyahan. “I enjoy the pili business.”


Story by: