DARAGA, Albay – Sumailalim sa limang araw na Refresher Course ang 28 Farm School Owners, School Administrators, at Trainers mula sa mga Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Farm Schools.
Ang limang araw na pagsasanay ay pinamagatang Rise RCEF Trainers: Refresher Course on Production of High-Quality Inbred Rice & Seeds and Farm Mechanization with GAD Concepts. Ito ay ginanap sa New Blossoms Function Hall sa Daraga, Albay nitong nakaraang Mayo 15-19, 2023.
Layon ng pagsasanay na paigtingin ang kapasidad at kaalaman ng mga tagapagsanay mula sa RCEF Farm Schools upang patuloy nilang maibahagi ang kanilang kaalaman sa mga magsasaka. Bukod dito, naglalayong mabigyan ang mga tagapagsanay ng napapanahong teknolohiya at pinakamahusay na kasanayan sa produksyon ng palay upang makamit ang “Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya.”
Sa pagtalakay ng mga pangunahing konsepto sa Gender and Development (GAD), hangad na maunawaan at pahalagahan ng mga kalahok ang mga batayang konsepto ng GAD lalo na sa mga gawaing pang-agrikultura. Nagsilbing tagapagsalita si Ginoong Dennis Rañon, Instructor at dating GAD Director sa Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC), Nabua, Camarines Sur.
Itinuro din ang morpolohiya at yugto ng buhay ng palay, maging ang tamang pamamahala ng abono mula sa tamang pag-compute ng abono, anong pataba at kailan ito ilalagay sa palayan.
Tinalakay rin ang pamamahala sa mga pangunahing peste at sakit sa palayan, partikular ang pagsagawa ng Agro-Ecosystem Analysis (AESA) upang masusing maobserbahan ang kapaligiran at magkaroon ng mga tamang desisyon sa pamamahala ng pananim. Isinagawa ang AESA praktikum sa Brgy. San Juan, Oas, Albay sa palayang demo area na pagmamay-ari ni Ginoong Marcelito Piano.
Nagkaroon ng hands-on ang mga kalahok sa paggamit ng sumusunod na makinarya: 4-wheel drive tractor, walk-behind transplanter, at rice combine harvester. Isang araw ang itinalaga para sa talakayan tungkol sa mga pangunahing parte ng mga makinarya at paano ito mapanatiling nasa maayos na kondisyon. Itinuro rin ang importansiya at paano i-operate ang postharvest equipment tulad ng flatbed dryer at rice mill.
Nagsilbing mga tagapagturo ang sumusunod: Engr. Irah Pesebre, Agricultural Technologist mula sa Lokal na Pamahalaan ng Polangui; Engr. Ryan De Real, Engineer I ng Legazpi City Agriculture Office at RCEF TOT graduate; at Mr. Anjelo Tawag, Science Research Analyst ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
Isinagawa ang aktwal na pagsasanay sa V. Ala Palay Seed Grower & Distributor (Good Grass) sa Brgy. Pawa, Legazpi City. Ang Good Grass ay isang accredited RCEF Farm School.
Isinagawa ang pagsasanay sa pamumuno ni ATI Bicol Center Director Elsa Parot at sa pakikipagtulungan ng Albay Provincial Agricultural Office (APAO), Legazpi City Agriculture Office, Lokal na Pamahalaan ng Daraga at Polangui, Department of Agriculture-Regional Field Office 5 (DA-RFO 5), at PhilMech.
Ang RCEF Farm School ay kwalipikadong magsagawa ng pagsasanay para sa mga magsasakang nasa lalawigang sakop ng RCEF-Rice Extension Services Program – ang Albay, Camarines Sur, Masbate, at Sorsogon. Kailangang maging ATI-certified Learning Sites for Agriculture (LSA) muna ang sakahan bago ito maging isang RCEF Farm School.
Ang Republic Act No. 11203 o Rice Tariffication Law ay naglalayong matiyak ang sapat na pagkaing bigas sa bansa, pataasin ang ani at kita ng mga magsasaka, at patibayin ang kakayahan nila mula sa produksiyon ng palay hanggang pagbenta sa merkado.