Tuesday, July 9, 2024 - 15:07


 

 

 

8835d3e0-11f4-4c0f-9592-4f5cec9127aa.jpeg

“After 48 years, nagising ako at narito na ako.”

Ito ang masayang ipinahayag ni Ginoong Manuel ‘Manny’ Mendoza sa pagbabalik nya sa kanyang bayang sinilangan sa Brgy. Cabinitan, sa Bayan ng Ragay, Camarines Sur.

Nilisan nya ang kanyang bayan ng halos limang dekadang  ‘paghimbing’ para bumuo ng sariling pamilya at maglingkod sa pribadong sektor at pamahalaan.

At sa kanyang paggising,  maguumpisa ang bagyong yugto ng kanyang paglilingkod. Ngayo’y bilang incorporator ng Christian Farmers Training Center, isang Learning Site for Agriculture o LSA, ang kauna-unahan sa Bayan ng Ragay.

UMPISA

Bago pa dumating ang kanyang pagreretiro bilang Assistant Regional Chief ng Commission on Higher Education (CHED) sa Bicol, balak na talaga ni Manny na bumalik sa Ragay at doon magsaka. Doon nya igugugol ang kanyang mga natutunan sa agrikultura lalo na’t  siya ay Agronomy Major at may Master’s Degree sa Crop Science. Magagamit nya rin ang kanyang kadalubhasaan bilang Rural Development Officer ng Unibersidad ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng kanilang kanayunan.

Subali’t sa isang okasyon, inalok siya na i-apply na lamang ang kanyang farm bilang LSA.

“LSA? Anong LSA?” tanong nya.

Sa pagkakataon din yun, napaliwanagan siya ng mga kinakailangang gawin at kumpletuhin. Nakumbinsi siya sa layunin - mabigyang karununga’t kasanayan ang mga magsasaka at sinuman na gustong matuto sa agrikultura, para magkaroon ng sapat na pagkain at kaunlaran sa lipunan.

 Ito ang magpapatuloy sa kanyang bisyon. Ito na ang kanyang tatahakin.

PAGSUBOK

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Ang dalawang ektryang lupain ay hindi angkop para pagtamnan. Ayon kay Manny, “talagang napaka-dumi, I mean, forested wasteland. Wasteland because walang production. Sabi ko, sayang naman.’

Nagkataon pa na kung kelan sya nagretiro’y doon naman naghasik ng lagim ang Covid-19 pandemic. At dahil panahon ng pandemya, naging limitado ang galaw. Hindi basta-basta makalabas at makapasok dahil sa higpit ng mga checkpoiunt. Si Manny, na nakatira sa Bayan ng Pili, na halos 80 kilometro ang layo sa Brgy. Cabinitan ay kailangan pang suungin ang mga checkpoint na nakaharang sa isang lungsod at anim na munisipyo para marating ito.

“Humingi ako ng food pass sa DA (Department of Agriculture).  Pag-chini-check ako sa COVID checkpoint, papakita mo lang yung food pass.’ Natatawang ikinuwento ni Manny.

Ngunit hindi talaga papipigil si Manny. Sa loob lamang ng pitong buwan, mula Marso hanggang Oktubre 2020, nagawa niyang gawing produktibo ang dati’y inaakalang wasteland.

Handa na ang CFTC.

Pagsilang ng Christian Farmers Training Center (CFTC)

2019 pa lamang ay nagkaroon na ng legal personality ang CFTC nang irehistro ito ni Manny sa Department of Trade and Industry.  Ngunit nag-umpisa ang field validation nito bilang LSA nang ikatlong quarter ng 2020

Sa isinagawang validation, natanong kay Manny kung bakit napili nya ang pangalang ‘Christian Farmers Training Center’ CFTC) . Sinagot na niya na hindi lamang ito ang magiging lugar ng pagsasanay kung saan itinataguyod ang makabagong teknolohiya sa pagsasaka.  Dito nya ipapalaganap ang kanyang adbokasiya ng tamang paguugali’t asal base sa doktrinang Kristiyano.

Nilinaw nya na sa kabila ng pangalan,  bukas ang center sa lahat na relihiyon. “Interfaith yan. Interfaith. Lahat. Muslim, Iglesya, kung anong pa mang relihiyon, welcome dito.”

Pagkilala at Pag-unlad

Disyembre ng taong 2020, naaprubahan ang aplikasyon ng CFTC bilang LSA. Pebrero naman ng sunod na taon pormal na nailunsad ito. Si ATI Bicol Center Director Elsa Parot ang naggawad ng sertipiko at dinaluhan mismo ng alkalde ng Bayan ng Ragay na si Mayor Thaddeus Ramos at iba pang mga mataas na opisyal ng mga ahensya ng gobyerno at pamantasan na sumuporta sa kanila.

Pagkaraan ng ilang buwan, nahirang naman ang CFTC bilang isang Farm School ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa ilaim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF. Dito nag-aalok sila ng mga kurso gaya ng AgriCrop NC II, Digital Agriculture Course (DAC), Pest and Nutrient Management (PNM) at Organic Agriculture NCII.

Sa kasalukuyan, nakapagturo na sila  sa 225 estudyanteng magsasaka galing sa siyam na batch.

Masaya si Manny sa mga magaganda nyang naririnig tungkol sa serbisyong hatid nya sa kanilang komunidad. “Sabi nga nina Mayor Ramos at Director Parot, dahil narito na ang CFTC, hindi na kailangan ng mga magsasakang estudyante na pumunta pa sa Albay, o kaya sa Pili. Siguradong  hindi kayo makakapunta dahil  sasabihin nila, ’pano kalabaw ako, pano ang baka ko’  samantalang dito, pag alas-singko ng hapon, uuwi na kayo at yung kalabaw nila, maaalagan pa.” Ipinagmamalaki niya rin na 100% ang kanilang attendance, isang magandang indikasyon na gusto talaga nilang matuto.

Sa pagiging Farm School, nakipagsunduan sya sa Central Bicol State University of Agriculture para mabigyan sya ng mga trainers na magtuturo sa mga magsasaka. Nakipagugnayan din sya sa Municipal Agriculture Office ng Ragay para naman sa pangangalap ng mga estudyante.

Sa ngayon, ang CFTC din ang destinasyon ng mga on-the-job training at occupational internship program ng mga institusyong pang-edukasyon gaya ng Partido State University (ParSU), Ragay National Agriculture and Fisheries School (RNAFHS) at CBSUA.

33d35164-7de6-4221-a553-69e55e1471ad.jpeg

Pagsulong sa Teknolohiya

Malaki ang paniniwala ni Manny sa benepisyo ng teknolohiya lalo na sa pagpapalakas ng produksyon ng ani at kita at pagkalinga sa kalikasan.

Una dito ang Sloping Agricultural Land Technology o SALT na kanyang ipinagmamalaki, “Siguro po, sa paglilibot ninyo, kakaunti ang LSA na may SALT. From Legazpi to Camarines Norte, papunta rito, yung ating topography ng lupa, almost rolling and slope.”

“So, anong nakatanim? Puro miscellaneous trees. Yun yung kina-cut at ginagawang uling which somehow, nakakadestroy ng ozone layer. So instead, gawin natin productive yung mga rolling land.”

Naniniwala din sya na mapapalakas ang ani at mapapababa ang gastos sa paggamit ng makinarya. Halimbawa nito sa ay land preparation.

“Sa land preparation po, gamit ang hand tractor, in almost one day, nakaka-cultivate ng dalawang pilapil. Dalawang pilapil. Kung kukunin po natin, ang cost of labor niya ay Php1,000 ” pahayag ni Doc Manny habang nagsasagawa ng actual demonstration sa kanyang palayan.

“One thousand pesos na ang kanya nakukonsumo. As compared dito sa riding type na traktura natin, sa rotavator, nagsimula po kami dyan ng alas-2 ng hapon. Ang oras ko po ngayon is 2:45. It's only a matter of forty-five minutes. Ang one hour nyan is one thousand two hundred.

“So, mas economical, mas nakakatipid ito. Nakakatipid na, mas madali pa.”

Pagdating naman sa harvesting, sinabi nito na malaki rin ang matitipid.

“Isa pa po na medyo nagkakaproblema ang mga farmers ay sa pag-aani. Kailangan po namin na sa isang ektarya, 20 hanggang 30 tao ang mag-aani yan, nasako na po yan. Kung titingnan po natin, Php 400 ang bayad sa labor, Php 400 times 30, that is Php12,000, in a day.  Kapag mahina yung pagkain, sasabihin, ‘aray ko, pagod na pagod na po’, hindi po natapos na isang hectare, twelve thousand na ang nagastos.

“Samantalang, yung combine harvester, ang isang hectare po, in four hours, nasa sako na yan. Ang isang oras po ng combine harvester is Php1,200. Pagka naman sharing system, for every eight sacks, isang sako sa harvester, yun po ang sharing system. Halimbawa, nakawalong sako ako, yung pangsiyam ay share ng harvester, napakalaking mura po.”

Isa sa mga malaking hamon sa mga magsasaka ay paghanap ng merkado ng kanilang ani lalo na’t kadalasa’y sinasamantala sila ng mga mga mangangalakal.

May kasagutan dito si Manny.

“Ako naman ang ini-introduce ko ditong technology na natutunan ko sa RCEF, yung key check number eight which is harvest management, ay yung crop cut. Ibig sabihin, sa isang hektarya, kukuha kami ng sample, yung quadrat sample, inaani namin yung sample doon. Sa labin-limang samples in a hectare, madi-determine na namin kung ilan, more or less, ilang cavans or tons ang maha-harvest namin sa isang ektarya.

“One week before the harvest, alam ko na, dito sa isang ektarya kung ilan ang aanihin. Hahanap na po ako nya ng kumprada na pagdadalahan. Ang ugali ng kumprada, kung marami ang iyong product, mas mataas ang presyo. Pero kung kukunti ang product mo, lesser ang presyo. So, tatanungin, ‘ilan yan?’, Halimbawa, sixty na sako pataas, eto yung presyo. Sixty na sako pababa, eto yung presyo. So, makakapag-bargain na po tayo po.”

“Nung last harvest po, nakuha naming yun mataas na presyong Php21. Pero hindi pa ko naka-ani nun. Since nakausap po na siya, may agreement na kami, na siya kukuha, and then pick up dito sa highway. To cut the story short, nang naka-ani na kami, nakatapos kami ng six o'clock in the afternoon. Almost sunset po siya.”

“Pero, through smart phone, tinawagan ko yung contact na kumprada. Eight o'clock in the evening, yung 48 cavans po, cash na ibigay na sa akin.

Kaya laking tuwa nya sa pagsulong ng gobyerno ng programang mechanization.

“Kaya salamat po sa programa ng gobyerno, through RCEF, at natutulungan din po ang mga tao, at nagkakaroon sila ng paraan na mapataas pa nila ang kanilang ani at kita at mapababa ang gastos.”

Paghubog ng Tamang-Asal

Para kay Manny, hindi lamang mahalaga ang karunungan at kasanayan.

Sabi nya, “Nakita ko na ang teknolohiya, napakarami. Nagde-demo nga. Pero after that, wala rin. Ang ugali ng farmer, nag-aaway pa rin, nagtatagaan, nagbabarilan.”

“Sa madaling sasabi, inggit. Itong isa mataas ang ani. Itong isa kakaunti. Naiingit. Minsan nagbabarilan, pinapasira sa kalabaw, pinagnanakawan, kung ano pa.”

Kaya adbokasiya nyang ipalaganap ang pagpapahalaga sa mga tamang asal at magandang ugali sa pamamagitan ng values formation.

“Hindi lang teknolohiya, kailangan ma-develop ang values.” dagdag pa nya.

At natutuwa sya na nasasaksihan na nya ang pagbabago sa pag-uugali. Kwento nya:

“Pagdating ko rito, yung sawali, inorder ko, hiningan ako ng advance ng Php 2,000. Nagbigay ako ng Php 2,000. Akala ko Php 2,000, binigay ko. After mga 30 minutes, bumalik, ‘Sir, makaano binigay mo sa akin?’ Sabi ko, ‘Php 2,000 po’. ‘Hindi po, Php 3,000’. ‘Ito po, isusuli ko’.”

“Yung tao ko, nagsweldo, binigay ako ng Php 2,000 din. Alis na siya. Almost 6 o'clock, bumalik dito. ‘Sir, makano binigay mo sa akin?’ Sabi ko, ‘Php 2,000. Sabi nya  ‘Hindi po, Php 3,000 ang binigay nyo, sabay balik ng isang libo.”

“Yun po ang nakita kong epekto before na magsimula ang training, nag-iinsert ako ng values formation.”

“That is why, Christian, ‘huwag mong gawin sa iba ang masama sa sayo’. Eto po ang aking adbokasiya.”

77eb3f00-ef7d-4199-baa7-fbcb447f504d.jpeg

 

MGA TESTIMONYA NG MGA  MAG-AARAL NG RCEF SA CHRISTIAN FARMERS TRAINING CENTER

 

1e368bb2-0817-4d5d-aa23-0ef8ed8fec2a.jpeg

 

FERMIN ROJERIA

Si Fermin Medina Rojeria ay isinilang at lumaki sa Bgr. Amomokpok sa Bayan ng Ragay, Camarines Sur. Sa murang edad pa lamang, kasama na siya ng kanyang pamilya sa sakahan. “Mula pagkabata pa lang, nag-aararo na ako,”

Sa loob ng maraming taon, ang kanilang sakahan ay umaasa sa tradisyonal na pamamaraan ng pagsasaka, tulad ng paggamit ng araro at kalabaw. “Ang mga sakahan namin ay mga sahod-ulan, at wala pang mga makinarya noon,” sabi ni Fermin. Aminado sya na sa tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka, na umaabot lamang ng 80 kaban ng palay kada ektarya.

Noong Disyembre 2023, naging bahagi si Fermin sa anim na buwan na pagsasanay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na ginanap sa Christian Farmers Training Center. “Nagsimula kami noong December hanggang June 2024,” Dito niya natutunan ang mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka tulad ng tamang pagpili ng binhi, land preparation, at paggamit ng Leaf Color Chart (LCC)  at Minus One Element Technique (MOET) para sa tamang pag-apply ng pataba.

Maliban sa mga nabanggit, marami din ang kaniyang natuklasan.

“Nakita ko ang malaking benepisyo ng pantay na lupa sa pagpatubig, at ang sabayang pagtatanim para mabawasan ang pesteng insikto,” dagdag ni Fermin. Sa tulong ng mga pagsasanay na ito, natutunan niyang gamitin ang mga modernong kagamitan tulad ng mga hand tractor at iba pang makinarya na nagpagaan ng kanilang trabaho.

Dagdag Kaban, Dagdag Kaalaman

Dahil sa mga natutunan niya, tumaas ang ani ni Fermin mula 80 kaban hanggang sa mahigit 100-120 kaban kada ektarya, bagay na hindi nya inasahang mangyayari sa tagal na niyang pagsasaka.

Nagagalak din si Fermin sa mga benepisyong hatid sa kanila ng lokal at pambansang pamahalaan “Malaking tulong ang mga binhi at pataba na bigay ng LGU-Ragay, pati na rin ang insurance na nagbabalik ng gastos kapag tinamaan kami ng kalamidad. Kahit papano’y napapanatag ang aming loob” pahayag niya.

Ang pagyakap ni Fermin sa mga makabagong teknolohiya at mga pagsasanay ay hindi lamang nagdala ng mas mataas na ani kundi nagbigay din ng mas magandang kita sa kanyang pamilya. Bagamat may sistema ng hatian, naitabla ni Fermin ang kanyang gastos at kita, na nagresulta sa mas magandang kabuhayan para sa kanyang pamilya.

Isa sa mga pinakakahanga-hangang aspeto ng tagumpay ni Fermin ay ang kanyang dedikasyon sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman. “Ang mga natutunan ko, ibinabahagi ko rin sa mga kapitbahay ko,” ani Fermin. Nakikita niya na ang tagumpay ay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa kanyang komunidad. Ang kanyang mga kapitbahay ay natututo mula sa kanya, at nagkakaroon din sila ng pag-asa na kaya nilang umunlad sa pamamagitan ng tamang kaalaman at teknolohiya.

At higit sa lahat, handa pa rin si Fermin na matuto pa. “Kung may training uli, narito lang ako.”

 

 

3d99f51c-f166-432d-982a-8e4e7af8dba4.jpeg

 

JAY HOTALLA

Si Jay Hotalla ay lumaki sa Binahan Proper, Ragay, Camarines Sur, at mula pagkabata ay nakamulatan na niya ang pagsasaka. Sa edad na 34, mayroong 15 taon na karanasan si Jay sa pagsasaka. “Bata pa lang kami, kasama na kami sa sakahan,” sabi ni Jay. Ngunit sa kabila ng kanyang karanasan, hindi naging madali ang kanyang paglalakbay dahil sa mga hamon tulad ng kakulangan ng tubig, kalamidad, at peste.

Ang pangunahing mga hamon na kinaharap ni Jay ay ang tagtuyot, labis na tubig, kalamidad tulad ng bagyo, at mga peste. “Ang struggle talaga sa farming para sa amin ay yung drought, kakulangan ng tubig minsan, o sobra-sobra naman. At kapag tinatamaan kami ng bagyo, nababawasan talaga ang aming ani,” pagbabahagi niya.

Noong nakaraang taon, sumali si Jay sa isang pagsasanay sa ilalim ng Rice Crop Enhancement Fund na ginawa sa Christian Farmers Training Center mula Pebrero hanggang Mayo. Sa pagsasanay na ito, natutunan niya ang paggamit ng Soil Test Kit at Leaf Color Chart (LCC). “Dati, abono lang kami nang abono. Ngayon, may soil test kit na nagtuturo sa amin kung gaano karaming abono ang kailangan ng lupa,” ani Jay. Sa tulong ng LCC, nalalaman nila ang tamang timing ng pag-aabuno, na naging malaking tulong sa kanilang ani.

Dahil sa mga natutunan mula sa RCEF, naiangat ni Jay ang kanilang ani mula 70-80 kaban kada ektarya patungo sa 105-110 kaban kada ektarya. “Malaki ang naging resulta. Yung timing ng pag-aabuno, pinagsama namin ang experience at ang natutunan sa schooling,” ani Jay. Ang paggamit ng makinarya ay nagbawas din ng kanilang gastos at oras ng pagtatrabaho. “Dati, isang linggo ang trabaho, ngayon, apat na oras na lang.”

Bawas  Gasto at Oras

Sa paggamit ng makinarya tulad ng transplanter at combine harvester, nakatipid si Jay sa gastos sa labor. “Dati, kailangan ng 20 katao para magtanim, ngayon, 1,000 pesos na lang ang gastos per hectare,” sabi niya. Ang pag-aani na dating nangangailangan ng 15 katao at tatlong araw, ngayon ay natatapos na sa isang araw gamit ang combine harvester. Bukod dito, nabawasan din ang pagkawala ng ani dahil sa mas maayos na proseso ng pag-aani.

Malaki rin ang naitulong ng mga intervention mula sa LGU-Ragay at iba pang ahensya ng gobyerno. “Ang LGU-Ragay ang nagbibigay sa amin ng binhi, abono, at foliar. Kapag may sakit ang palay, binibisita nila kami at nagbibigay ng payo,” dagdag ni Jay.

Sa ngayon, siya ang nagsisilbing Farm Machine Operator ng Binahan Irrigators Association. Maliban sa pagiging eksperto sa paggamit ng makinarya sa pagsasaka, mas naunawaan nya pa at mas napapahalaga ang tulong nito para mabawasan ang gastusin sa pagsasaka na magdudulot na dagdag kita sa mga kapwa nya magsasaka.

 “Ang laki ng tulong ng mga natutunan ko sa RCEF,” sabi Jay. Natutunan nya din na higit sa pagtaas ng ani at kita, kailangan din maingat ang antas ng karunungan.

 

ead3b603-5536-4bd5-9191-cde80fa086b0.jpeg

FERRER VILLANUEVA

Si Ferrer Villanueva ay isang magsasaka mula sa Barangay Tagbac, Ragay, Camarines Sur. Nagsimula siyang magsaka noong 2008, at may 16 na taon nang karanasan sa pagtatanim ng palay. Ang kanilang sakahan ay upland, kaya't umaasa sila sa ulan para sa kanilang pagtatanim. "Pag walang tubig, walang ulan, tigang kami," sabi ni Ferrer. Dahil dito, napipilitan silang magmadali kapag dumating na ang tag-ulan upang habulin ang tubig.

Isa sa mga pangunahing problema ni Ferrer ay ang kakulangan ng tubig. "Pag dumating ang tag-ulan, talagang labo-labo. Kailangan mong tapusin agad ang pagtatanim," sabi niya. Ang pagiging upland ng kanilang sakahan ay nagdulot din ng limitadong ani, na nagresulta sa mataas na gastos sa abono at mababang produksyon.

Noong 2023, nag-enroll si Ferrer sa isang pagsasanay sa ilalim ng RCEF sa Christian Farmers Training Center, kahit na sa una ay ayaw niyang mag-aral. "Sabi ko, alam ko naman yan eh, kasi pagtatanim lang naman yan eh," pagbabahagi niya. Ngunit, dahil sa encouragement ng kanyang asawa at ni Manny Mendoza,ang may-ari ng CFTC,  napagpasyahan niyang mag-enroll upang madagdagan ang kanyang kaalaman.

Tripling ani, tripling bawas-kita

Sa pagsasanay, natutunan ni Ferrer ang tamang paggamit ng makinarya at teknolohiya sa pagsasaka. "Pinagsama ko yung antigo at moderno na natutunan," sabi niya. Ang paggamit ng makinarya tulad ng transplanter at combine harvester ay nakatulong upang mapabilis ang proseso ng pagtatanim at pag-aani. Bukod dito, natutunan niya ang tamang land preparation, timing ng pag-aabuno, at pagsugpo ng peste.

Dahil sa mga natutunan mula sa RCEF, nabawasan ang gastos ni Pirel sa abono mula anim na sako patungo sa dalawang sako na lamang. "Dati, 30 kaban lang ang ani ko, ngayon, naging 90 kaban," ani Pirel. Ang kombinasyon ng tradisyonal at modernong kaalaman ay nagdala ng malaking pagbabago sa kanyang ani at kabuhayan.

Malaki rin ang naitulong ng mga intervention mula sa LGU at iba pang ahensya ng gobyerno. "May mga natanggap akong fertilizer mula sa LGU, at lagi akong kasama sa mga programa ng DA," sabi ni Ferrer. Ang mga suportang ito ay nagbigay ng karagdagang tulong upang mapabuti ang kanyang sakahan.

Napatunayan ni Ferrer na pagsasama ng tradisyonal at modernong kaalaman ay susi sa tagumpay sa pagsasaka. Ang kanyang dedikasyon sa pag-aaral at pagyakap sa pagbabago ay nagdala ng masaganang ani at mas magaan na trabaho. "Masaya ako sa mga natutunan ko sa RCEF, at patuloy akong magsusumikap upang mapabuti pa ang aming ani at kabuhayan."

9d2f67e4-393b-423e-ac16-73ef000c9f61.jpeg


Story by: