Biyaya sa Batuhan: Darwel, RCEF Exemplar ng Masbate

Saturday, September 30, 2023 - 09:30


Nang siya’y magretiro sa kanyang trabaho noong 2006, bumalik si Darlon Amante at ang kanyang maybahay na si Welisa sa Barangay Batuhan sa Masbate City.

“Banker ako, I worked for 20 years sa bank,” wika ni Darlon tungkol sa simula ng kanyang maaliwalas na sakahan sa Batuhan. “Nakatira ako sa San Pablo City when I was working. Sa Laguna, ang yayaman ng mga farmers doon, kumpara sa Masbate.”

Kasama ng kanyang pamilya, bumalik si Darlon kung saan sya lumaki. “Ito ang playground ko when I was young,” kwento ni Darlon. Tinawag nilang Rocky Mountains Farm ang anim na ektaryang bukirin na may natatanging mineral deposits na syang nagbigay ng kakaibang topograpiya dito. Nais nyang maprotektahan at pagyamanin ang lugar, ani Darlon.

Mahalagang pangalagaan ang upland areas dahil sa downstream effect nito sa komunidad na nakapalibot dito. Ano mang pagkasira at polusyon sa mataas na lugar ay dadaloy sa kanayunan at katubigan, kung saan mas maraming tao ang naninirahan.

DARWEL darlon.jpg

 

Pamilya at Bayan

Nagsimula ang Darwel Farm dahil sa mga taong malapit kay Darlon. “Ang plano ko sana is to influence my relatives dito sa barangay namin. From NGO (non-government organization) ako, more on helping the poor ang NGO na pinasukan ko.”

Tulad ng pangangalaga nila sa upland, ang pagtulong ng mga Amante sa kapamilya ay umapaw sa mas nakararaming mamamayan.

Taong 2019, ang Rocky Mountain Farm ay naging Learning Site for Agriculture (LSA) na sertipikado ng Agricultural Training Institute (ATI) bilang modelong sakahan. Sa tulong ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), nagsimula itong magturo tungkol sa pagsasaka ng palay at mas nakilala bilang Darwel Agricultural Farm.

DARWEL signage.jpg

DARWEL jobenel.jpg

Ayon kay Jobenel Dela Torre, RCEF Technical Staff ng ATI, kapartner ng ATI ang LSA tulad ng Darwel Farm sa implementasyon ng RCEF-Rice Extension Services Program. “Ang Darwel Farm ay accredited Farm School ng Technical Education and Skills Development Authority. Ang RCEF Scholarship Grants ay binibigay ng TESDA sa mga farmers. Sa Farm Schools tulad ng Darwel Farm, nag-aaral sila once a week sa Farmer Field School. It will run for almost four months. Ang 16 sessions ng FFS ay kailangan nilang matapos. Ang Darwel ay modelo rin sa pagpapalaganap ng technologies tungkol sa rice production at mechanization.”

“Ang Darwel Farm (ay) hindi lang dito sa coastal mahalaga,” ayon kay Philip Patiño, Agriculturist II ng Masbate City Agriculture Office. Dahil mas marami ang rainfed areas at kaunti ang irrigated areas sa lugar, mas mababa kesa national average ang karaniwang ani ng mga magsasaka sa Masbate City.

DARWEL AEW philip.jpg

DARWEL meeting.jpg

Isa ang Masbate sa probinsyang prayoridad na paglagyan ng RCEF. “Sa ngayon, nararanasan namin ang unti-unting pag-increase ng production namin. From 3.2 metric tons per hectare nasa 3.5 metric tons per hectare na,” ayon kay Philip.

Aniya, malaki ang papel ng Darwel Farms sa unti-unting pagtaas ng ani sa siyudad. Maraming interbensyon ng pamahalaang lokal ay isinasagawa katulong ang Darwel Farm. “Inuuna namin, pina-prioritize namin ang mga estudyante ng Darwel pagdating sa mga ayuda. Priority ang mga bagong tapos na estudyante at mga nagtapos sa Darwel.”

Kinilala ng lokal na pamahalaan ang mga magsasakang matagumpay na naisagawa ang teknolohiya sa pagsasaka. “May napili nang two best farmers na umani ng 150 sacks per hectare, galing sila dito sa Darwel Agricultural Farm,” paglalahad  ni Philip.

 

Malasakit at Inspirasyon

Para kay Welisa Amante, kabiyak ni Darlon, hindi lang teknolohiya ang kailangang maibahagi ng Darwel Farm, kundi maging inspirasyon. “As a trainer, yung pinakaimportante sa amin, lalo na sa aming mga estudyante, yung motivation. Ma-motivate namin silang pumasok araw-araw, ma-motivate namin sila na yung natutunan nila sa amin dito sa farm ay madala nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

“Pinaka-best achievement namin na nakikita yung mga farmers namin na umangat ang buhay. Proud na po kami at napakalaking achievement na nararamdaman namin na umangat ang buhay nila.”

DARWEL welisa.jpg

DARWEL welisa lecture.jpg

Hangad ni Welisa ang pag-unlad ng mga kababaihang magsasaka. “Yung mga babae, mga nanay, na-empower ang kanilang pamumuhay, ang kanilang damdamin. Tumaas ang kanilang morale sa buhay. Kaya ng mga babae na trabahuin ang pagsasaka, sa tamang technology, lalo ngayon na may mechanization, nakita nila na kaya palang gawin ng babae ang kayang gawin ng lalaki.”

Bukod sa pagsasanay na isinasagawa ng Darwel Farm, binibisita rin ng mag-asawang Amante ang sakahan ng mga kalahok na magsasaka. Ayon kay Welisa, “Pumupunta kami sa mga area nila. Pinupuntahan namin yung mga bara-barangay na nandoon ang kanilang kabas-anan, palayan. Tini-check namin, ano yung pwede nating makita na pagbabago o ano ang nandun sa farm, para makita namin kung pwede bang magawa na pagbabago.”

Batid ni Welisa ang pangangailangan ng mga magsasaka. “Lalo na dito sa amin dito sa Masbate, kulang na kulang yung technology. Kaya parang kahit anong gawin nila, ganun at ganun pa rin.”

Ang Ubongan Dacu ay isa sa mga barangay na pinuntahan nila, partikular ang sakahan nina Raquel Banoy at Daniel Laurio. “Tinatanong nila, ‘Ma’am, ano bang pwedeng naming gawin dito?’ Kasi kahit anong gawin nila, yun pa din ang ani. So pinuntahan namin. Dati kasi yung kanilang palayan, sa unahan mataas. Pagdating sa dulo, hanggang tuhod ang tubig. Akala nila tama na yun. Nababago sila kasi nga aktwal nakikita namin kung ano ang pwede nilang gawin, marami pa pala silang dapat gawin.

“Kaya ako natuwa kasi yung pinuntahan namin na akala namin hindi sya susunod, pero sinunod nya, tumaas talaga ang ani nila.”

Patunay na extension workers ang mag-asawang Darlon at Welisa sa kanilang determinasyon. Ayon kay Welisa, “Part naman talaga ng gawain naming mga trainor ng Darwel, ng LSA na i-check, tingnan natin – ano ba ang nagawa ng technology sa ating mga magsasaka?

“Tinatanong namin, bakit kailangan nating humingi ng tulong sa gobyerno? Bakit hindi tayo mismo ang humanap ng pera at tayo’y makatulong sa ating sarili? Kasi hindi mo naman kailangang humingi ka pa ng tulong kung alam mo ang tamang pagsasaka.

“Lagi naming sinasabi, knowledge is power. Kung meron kang kakayahan, at meron kang technology, hindi yan makukuha sayo. Yan ang magdadala sayong pag-angat sa buhay.”

By word of mouth, dumadami ang mga magsasakang nais lumahok sa mga pagsasanay sa Darwel Farm. “Yung mismong farmers talaga ang pumupunta dito. Yung mga kapatid, kasama nila, mga kamag-anak ang talagang nagpapapunta sa kanila sa Darwel. Hindi kami nahihirapang mag-alok ng mga estudyante,” pahayag ni Welisa.

DARWEL welisa field.jpg

DARWEL darlon field.jpg

 

Kabataan at Teknolohiya

Anak ni Darlon at Welisa, si Sharlene Mae Allanigue ay nahikayat aralin ang makabagong teknolohiya sa pagsasaka. “Nakakatuwa na makita, habang nagtuturo ako sa mga farmers natin, yung willingness at yung kagustuhan nilang matuto sa tamang paraan ng pagpapalay at tamang paggamit ng teknolohiya.”

Bilang farm trainer ng Darwel Farm, inaral nya ang mga teknolohiyang ibinabahagi sa mga magsasaka. “Dumaan po muna ako sa training sa pamamagitan ng Agricultural Training Institute. Nag-conduct po sila ng Training of Trainers on Production of High-Quality Inbred Rice & Seeds and Farm Mechanization.

“Nag-conduct ng training ang ATI dito sa Masbate tungkol sa Digital Agriculture na mas makakatulong sa ating mga farmers kung paano nila mabebenta ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng social media.”

DARWEL sha.jpg

DARWEL sha lecture.jpg

Ang paggamit ng agricultural application software para sa pagsasaka ng palay ay itinuturo ni Sha sa mga magsasakang kalahok sa FFS na pinondohan ng TESDA.

Bilang LSA na sertipikado ng ATI, ang Darwel Farm ay isang RCEF Farm School na may hindi bababa sa isang daang kalahok taon-taon, simula 2019.

Susunod: RCEF Exemplar Farmers ng Darwel


Story by: